Nahuli-cam ang ginawang pagtangay ng isang lalaki sa cellphone na naiwan ng empleyado ng isang salon sa Bago City, Negros Occidental. Kitang-kita ang mukha ng kawatan dahil naka-livestream noon ang cellphone.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita ang biktima na nag-livestream gamit ang kaniyang cellphone para ipakita sa mga manonood ang ginagawa niyang paglilinis sa salon.
Hanggang iniwan niya ang cellphone sa lamesa at naka-on pa rin ang livestream. Ilang saglit lang, makikita na ang suspek na sumilip-silip muna sa pintuan.
Nang makita ang cellphone at walang tao sa salon, pumasok ito at kinuha ang cellphone saka umalis.
Hindi na pinutol ng suspek ang livestream kaya malinaw na malinaw na nakita ang mukha niya.
Tukoy na umano ng pulisya ang pagkakakilanlan ng kawatan at hinahanap na siya. --FRJ, GMA Integrated News