Sinabi ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea na wala si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague Penitentiary Institution, at hindi nila alam kung nasaan ito ngayon. Umapela naman si Senador Alan Peter Cayetano sa kinauukulan, na alamin kung nasaan si Duterte, at bigyan ito ng nararapat na atensiyong medikal.
BASAHIN: Mensahe ni ex-Pres. Duterte: 'So be it, kung ganoon ang destiny ko'
Ayon kay Medialdea, tiniyak sa kanila na dadalhin si Duterte sa ospital pero wala raw maibigay sa kanilang pangalan ng ospital nang magtanong sila nang makarating sa The Hague.
"Up to now, they have not given the name of the hospital," saad ng dating opisyal. "So, we took the position that he could have been brought here directly sa [detention facility]."
Pero ayon kay Medialdea, sinabihan sila sa detention facility na wala doon si Duterte.
“We were told there is no Rodrigo Duterte in this facility,” ani Medialdea batay sa ibinigay daw na impormasyon sa kanila ng reception staff.
FLASH REPORT: Dating Pangulong Rodrigo Duterte, wala sa ICC detention facility sa The Hague, ayon kay dating Executive Secretary Salvador Medialdea. | via Andy Peñafuerte @gmanews pic.twitter.com/z7oA1UpUbx
— DZBB Super Radyo (@dzbb) March 13, 2025
“We’re at a loss right now. We don’t know where he is,” giit niya.
Hindi rin daw siya kinilala sa naturang pasilidad bilang bahagi ng legal counsel ni Duterte.
“Lokohan na ito [This is deception]. This is part of their grand plan to kidnap the president, to extract the president from the Philippines," sabi pa ni Medialdea.
"I was even forced to join that plane without a valid visa coming here. We are going back to the ICC and ask them where he is right now,” dagdag niya.
Nakausap na rin umano niya si Vice President Sara Duterte sa telepono na naghihintay din ng updates tungkol sa ama nito pero wala siyang maibigay na sagot.
Inaresto si Duterte nitong Martes sa Manila noong Martes at inilipad sa The Hague upang paharapin sa ICC kaugnay sa kasong crimes against humanity na isinampa laban sa dating pangulo.
Ang naturang kaso ay may kaugnayan sa war on drugs na ipinatupad ng administrasyong Duterte na hindi bababa sa 6,000 tao ang nasawi.
Apela ni Cayetano
Sa Facebook post, sinabi ni Cayetano na nakausap niya sa telepono si Medialdea at ikinuwento na hindi nila malaman kung nasaan ngayon si Duterte.
Ayon kay Cayetano, batay sa kuwento ni Medialdea, sa eroplano pa lang ay tiniyak na umano ng kinatawan ng ICC na ididiretso sa ospital si Duterte pagkalapag ng kanilang eroplano dahil sa "not in good condition" ang kalusugan ng dating pangulo.
Kaya umapela ang senador kina Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at sa embahada ng Pilipinas sa Netherlands na alamin kung nasaan si Duterte, at tiyakin na mabibigyan ito ng kaukulang atensiyong medikal.
"Pakiusap ko lang po, basic naman yung karapatan niya sa kalusugan ay respetuhin natin," saad ni Cayetano na naging DFA secretary minsan ni Duterte. "Please po don't allow na may masamang mangyari sa ating [dating] pangulo dahil sa kapabayaan natin."
Nagpaabot din ng pakiusap si Cayetano si ICC na sinabing human rights ang core value kaya dapat ibigay ang atensyon medikal kung may nangangailangan.
Tulong ng hari, hiniling ng Duterte supporters
Una rito, isang grupo ng mga Pilipino ang dumating sa gate ng piitan at nagpakita sa security personnel ng printed document na nagsasaad na puwedeng bisitahan ang nasa loob ng pasilidad.
Gayunman, hindi sila pinapapasok sa loob at sinabihang makipag-ugnayan sa ICC para makakuha ng appointment.
Matapos ang pahayag ni Medialdea, isinigaw ng grupo na: “Where is Duterte?!”
Ayon kay Luzviminda vander Becken, 62-anyos na nakabase sa Oudenaarde, Belgium, plano nilang sumulat kay King Willem-Alexander ng Netherlands upang hilingin ang tulong nito.
“Alam namin na mabait, mapagmahal, at respectful of Filipinos ang King of Netherlands,” sabi ni Becken na kasama ang kaniyang Belgian husband.
“Magre-request po kami kung puwedeng tulungang hanapin si Duterte. Tinitingnan po namin ang kalusugan ng dating pangulo,” saad niya.
Pahayag ng ICC
Kasunod nito, naglabas ng pahayag ang ICC para ipaalam na nasa kustodiya nila si Duterte sa ICC detention centre sa Scheveningen.
"He was admitted today following all medical checks," saad ni ICC spokesperson Fadi El Abdallah. "When a suspect arrives in ICC custody, the Court as standard practice takes measures to protect the health and well-being of the suspect."
Sinabi pa sa pahayag na iaanunsyo nila kung kailan unang ihaharap sa pagdinig ang dating pangulo.
"The Court will announce in due course the schedule for the initial appearance. We recall the importance of respecting the integrity of the judicial process," ayon sa ICC.
– mula sa ulat ni Andy Peñafuerte, Jayvee Marasigan Pangan/FRJ, GMA Integrated News
