Itataas ng Netflix ang kanilang singil sa kanilang mga subscriber sa Pilipinas simula sa darating na Hunyo, bunga ng pagpapatupd ng pamahalaan ng 12% value-added tax (VAT) sa digital services ng mga dayuhang kompanya.

Sa abiso na kanilang ipinadala sa mga subscriber, ipinaalam ng Netflix ang tungkol sa ipapataw na VAT sa memberships, at kung magkano ang kanilang magiging bagong buwanang singil simula sa June 1, 2025:

  • Mobile: P169 per month
  • Basic: P279 per month
  • Standard: P449 per month (dagdag na P169 per month para sa bawat extra member slot)
  • Premium: P619 per month (dagdag na P169 per month sa bawat extra member slot, na hanggang dalawa)

Sa kasalukuyan, ang monthly rates ng Netflix ay P149 para sa mobile plan, P249 sa basic, P399 sa standard, at P549 sa premium, at dagdag na P149 kung may dagdag na member slots.

Una rito, pinirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang maging ganap na batas ang Republic Act 12023, na nagpapatupad ng 12% VAT sa digital services na kinabibilangan ng media, music, video, video-on-demand, at advertising.

Layunin ng naturang batas ang maging pantay ang tradisyonal na negosyo — lalo na ang mga hindi makalipat sa digital platform at mga likas na hindi maaaring lumipat sa digital platform — at ang nasa digital business.

Noong nakaraang buwan, inanunsyo rin ng Steam, na binuo ng Valve, ang pagtaas ng singil nito dahil din sa VAT sa mga digital services. — mula sa ulat ni Jon Viktor D. Cabuenas/FRJ, GMA Integrated News