Wasak ang tatlong sasakyan matapos magkarambola sa isang highway sa Ohio, USA. Ang ugat ng karambola, isang pulang minivan na biglang tumigil sa gitna at saka umalis na parang walang nangyaring disgrasya na siya ang dahilan.
Sa ulat ng GMA Integrated News nitong Miyerkoles, makikita sa video footage ang pulang minivan na tumigil sa gitna ng highway na tila nag-aalangan kung saan dadaan o tumitiyempo lang ba na pa-"exit."
Dahil sa paghinto ng minivan, dalawang sasakyan ang napatigil din sa kaniyang likuran.
Hanggang sa isang van ang hindi kaagad nakapagpreno at nabangga ang likod ng ikalawang sasakyan.
Ang ikalawang sasakyan, bumangga naman sa sasakyan na nasa unahan niya.
Pero ang dahilan ng karambola na minivan, hindi nadamay sa banggaan at makikitang hayahay na umalis at dumaan na sa "exit" na parang walang nangyari.
Sa lakas ng banggaan, nagtamo ng matinding pinsala ang mga sasakyan. Mabuti na lang na minor injuries lang ang tinamo ng mga sakay ng tatlong sasakyan nagkarambola.
Ayon sa Ohio Department of Transportation, patuloy pang hinahanap ang driver ng minivan na dahilan ng naturang sakuna. -- FRJ, GMA Integrated News
