Pumanaw na sa edad na 50 ang dating aktor na si Red Sternberg na kabilang sa dating sikat na youth-oriented show ng GMA Network na “T.G.I.S.”
Kinumpirma ng asawa n Red na si Sandy ang malungkot na balita sa kaniyang Facebook post ngayong Biyernes.
“To be greeted ‘happy birthday’ and ‘sorry for your loss’ at the same time three consecutive days of what was supposed to be a celebration full of birthdays. May was our month! 5th, 28th, 29th and 30th,” saad ni Sandy sa post.
“My husband suddenly passed away the morning of Tuesday, May 27th. To those who knew him from his early acting days, he was 'Kiko,' but to our three kids and I he was simply Daddy/Dada. Today would have been his 51st birthday,” dagdag niya.
Humiling ng dasal at privacy si Sandy para sa kanilang pamilya sa panahon ng kanilang pagluluksa.
Ibabahagi umano nila ang iba pang detalye sa susunod, pati na ang magiging burol ng dating aktor.
Nagdadalamhati rin ang dating “T.G.I.S.” director na si Mark Reyes sa pagpanaw ni Red.
“The entire T.G.I.S Barkada is heart broken to lose one of our own,” ani direk Mark sa post. “Kiko we love you and we’re giving you a group hug right now.”
Naka-tag sa post ni direk Mark ang mga co-star ni Red sa TGIS na sina Angelu De Leon, Bobby Andrews, Michael John Flores, Rica Peralejo, at Ciara Sotto.
Sa Amerika na ngayon nakatira si Red, kasama ang kaniyang pamilya.
Sa isang panayam ng Tunay Na Buhay noong 2021, inilahad niya ang dahilan kung bakit siya umalis sa showbiz sa kabila ng kaniyang kasikatan.— mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ, GMA Integrated News
