Sa "The Atom Araullo Specials," tinalakay ang lumalawak na kalakaran ng surrogacy o ang pagbubuntis ng isang babae para sa ibang tao. Panahon na nga bang magkaroon ng batas patungkol dito? Alamin ang buong report.
Sa naturang report, makikita na lantaran sa social media ang pag-aalok ng surrogacy para sa mga tinatawag na "SM" o surrogate mother, at mga "IP" o intended parents. Mayroon ding mga ahente na nais makihati sa kikitain ng SM, at nag-aalaga mismo ng mga babaeng handang ipaupa ang kanilang sinapupunan.
Sa Pilipinas, nakilala ang isang SM na itinago sa pangalang Mary, na dalawang beses nang nagbuntis para iba.
Kuwento niya, sa panahon ng kaniyang pagbubuntis ay tila nakatago siya, at lalabas lang kapag kailangan niyang magpa-check-up.
Madalas na dinuduktor din umano ang mga dokumento nila na may kinalaman sa kanilang pagbubuntis. Kabilang sa dinuduktor ang birth certificate ng bata na ang pangalan ng IP ang inilalagay.
Sa pagpili ng IP sa SM na nais nilang magdala sa kanilang magiging anak, ikinuwento ni Mary na pinahilera ang mga SM sa isang clinic na may one way mirror.
Hindi nila nakikita ang IP, na pipili kung sino ang nais nilang maging SM.
Kadalasang gestational surrogacy ang ginagawang paraan ng pagbubuntis ng SM, kung saan inilalagay ang embryo sa kanilang sinapupunan na mula sa In vitro fertilization o IVF ng IP.
Pero sa ibang SM, may nangyayari na sa "natural" na paraan o kinakailangang makipagtalik pa ang SM sa IP upang mabuntis kung hindi nagiging matagumpay ang IVF.
Ang isang fertility clinic sa Muntinlupa na tumutulong sa mga couple na nahihirapang magbuntis, pero may agam-agam sa surrogacy dahil wala pang legal framework ng surrogacy sa Pilipinas.
Dahil dito, sinabi ni Dr. Maris Yap-Garcia sa OB-Gyne, na walang proteksyon ang mga duktor at maging pasyente na maaaring maabuso o exploit nang dahil sa pangangailangan sa pinansiyal.
Dahil peligroso ang pagbubuntis, maaari umanong malagay sa panganib ang ina at sanggol kung walang malinaw na alintuntunin at batas sa surrogacy. Gaya halimbawa kung magkaroon ng komplikasyon ang SM dulot ng pagbubuntis, sino ang sasagot sa gastusin sa kaniyang pagpapagamot.
Ayon sa isang law expert, dahil walang batas tungkol sa surrogacy, hindi malinaw ang karapatan at proteksyon ng isang SM, ng IP, at maging ng sanggol.
Para kay Atty. Soledad Mawis, Civil and Criminal Law expert, dapat nang mapag-usapan ang isyu sa legalisasyon ng surrogacy sa bansa.
"Dahil alam naman natin na nangyayari 'yan dapat pag-usapan na 'yan. Mapagtibay ang isang batas at sabihin kung anong bawal at hindi bawal," saad niya.
At kung papayagan na ang surrogacy, dapat umanong mayroong mga kondisyon.
"Number one, yung couple talaga sana makakuha sila ng medical certificate kung saan sinasabi na hindi puwedeng magluwal in a natural way [ang ina]. Pangalawa, i-define ano yung puwedeng ibigay doon sa magluluwal," ani Mawis.
Papaano nga ba ginagawa ang surrogacy, at ano ang peligroso para sa mga SM kung biglang mawala ang IP gaya sa nangyari kay Claire, na naging SM sa China pero hindi nakuha ng IP ang bata na kaniyang ipinagbuntis.
Tunghayan sa video ng The Atom Araullo Specials ang buong talakayan sa usapin ng "Baby Makers." Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News
