Viral ang mala-stuntman ang galawan ng isang binatang angkas sa motorsiklo na tumalon at kumapit sa railings ng tulay para hindi makasamang mahulog sa kanal sa Hai Phong, Vietnam.

Sa isang video na mapanonood sa GMA Integrated Newsfeed, makikita ang motorsiklo na sinasakyan ng binata na may kasamang rider at isa pang angkas, na napunta sa direksyon ng kanal matapos nilang iwasan ang isang puting van.

Nakaiwas naman sila sa van pero dumiretso sila sa kanal. Ngunit bago mahulog, nagawa ng isang binata na nakaupo sa pinakalikurang bahagi ng motor na makatalon sabay kapit sa railing ng tulay.

Ayon sa mga awtoridad, ligtas din ang dalawang nahulog sa kanal, dahil mababaw lang ang tubig doon.

Gayunman, hindi sila nakalusot sa multa dahil sa paglabag sa ilang traffic safety violations.

Bukod sa mga underage ang tatlong binata na high school students, lagpas na sa pinapayagan ng batas ang bilang ng angkas sa motorsiklo.

Wala ring mga suot na helmet ang mga binata.

Samantala, isang delivery rider din ang nakaligtas matapos sumalpok sa isang sasakyang bigla na lamang lumiko sa Benavidez, Argentina.

Agad tumugon ang local authorities at emergency workers at isinugod sa pagamutan ang rider upang matiyak na maayos ang kaniyang kondisyon.

Batay sa medical responders, hindi nagtamo ng matinding injury ang rider dahil sa suot niyang helmet.

Posible namang maharap sa asunto ang driver ng kotse.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News