Habang nagbabakasyon sa Pilipinas, sinubukan ng isang dating OFW na magtinda ng "Pansit Bato" sa gilid ng bangketa. Nang pumatok, nagpasya na siyang huwag nang bumalik sa pagtatrabaho sa ibang bansa at nagnegosyo na sa Pilipinas sa puhunang P20,000.
Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, inihayag ni Michael “Kuya Mike” Berso, may-ari ng “Kuya Mike’s Pansit Bato,” na ipinagdasal niya noon na huwag na sana siyang bumalik sa ibang bansa.
Ang naturang panalangin, dininig naman ng Diyos nang pumatok ang pagtitinda niya sa bangketa ng kilalang Pansit Bato ng Bicol, habang nagbabakasyon sa Pilipinas.
“Ten years na rin ako sa ibang bansa. Kaya umuwi ako ng Pinas para mag-try naman ng business. Last year, bale, nakabakasyon lang ako that time. Nagbakasyon ako one month. Actually, 15 days na lang noon, I prayed to God na, ‘ka ko, ‘Lord, ayoko nang bumalik talaga ibang bansa,” sabi ni Berso.
Kaya naman sumugal siyang magtinda ng Pansit Bato sa isang cart, na siya ang naghahanda, nagluluto o nagse-serve ng pagkain.
Bilang isang Bicolano, gusto niyang ipatikim sa iba ang ipinagmamalaki nilang Pansit Bato, at namuhunan siya ng P20,000, kasama na ang pagpapagawa niya ng cart.
Sa kaniyang unang araw, kumita na siya agad ng P15,000 sa loob lamang ng limang oras.
Kalaunan, nakauubos na sila ng 50 hanggang 70 kilos kada araw, hanggang sa 100 na kada araw ng pansit.
Dahil dumami ang mga tao sa kaniyang tindahan sa bangketa, hindi nakaiwas na magreklamo ang ilan niyang kapitbahay.
Hanggang isa sa kaniyang mga kapitbahay ang nagmagandang loob na pinaupahan sa kaniya ang lugar nito para gawing puwesto ni Berso.
Para palakasin pa ang kaniyang negosyo, naisipan ni Berso na siya na ang gagawa ng kaniyang pansit sa halip na manggaling pa sa Bicol, na nagiging problema ang biyahe lalo na kung masama ang panahon.
Ngunit hindi kaagad naging maganda ang naturang plano ni Berso dahil hindi niya rin maperpekto kaagad ang timpla ng pansit.
“Andooon na 'yung sobrang tigas ng noodles dahil kulang sa tubig. Andoon na 'yung sobrang lambot naman kasi nga sobra-sobra sa tubig. Andoon na 'yung nasunog 'yung pansit.. Andoon na 'yung nahilaw. Kaya hindi madali 'yung gumawa ng sarili mong pansit kung hindi mo alam 'yung formula,” paliwanag niya.
Kaya naman naghanap siya ng Research and Development para ma-perpekto ang kaniyang pansit.
Ngayon, bukod sa sarili niyang kainan, mayroon na siyang apat na company outlet at 49 franchisee.
Ang pamilya ang isa sa naging sandigan ni Berso para palakihin ang kaniyang negosyo.
“Sa akin, mga kamag-anak ko and then 'yung mga tao na umaasa sa amin. Then at the same time 'yung pagiging OFW na ayoko na bumalik ulit sa dati. Mga panahon talagang sobrang hirap na buhay. So sobrang hirap ‘yun ang mga, lagi kong pinagpapasalamat sa Diyos na hindi na mararanasan muli ng pamilya ko,” ani Berso.
“Sipag at tiyaga lang talaga 'yung puhunan natin. Ayun lang, maging consistent lang sa mga ginagawa. Kung mayroong kang pangarap, don't wish for it, work for it. Para makamit mo 'yung gusto mong mangyari,” payo niya. -- FRJ, GMA Integrated News
