Hirap tanggapin ng mga magulang ang sinapit ng kanilang anim na taong gulang na anak sa Quezon matapos masawi sa rabies kahit nakompleto nito ang anti-rabies shots.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, napag-alaman na alaga ng pamilya ang tuta na nakakagat sa bata noong May 7.

Dahil nagkasugat ang kagat, sinabi ng ama ng bata na si Ninoy Postre, na sigurado siyang kailangang turukan ng pangonta sa rabies ang kaniyang anak.

Nang raw ding iyon, dinala na nila ang bata sa Gumaca District Hospital, at nabigyan ng 1 st dose ng anti-rabies.

Ayon sa nurse na si Maria Fe Alice Ponopio, batay sa assessment ng ospital, Category 2 ang kagat na tinamo ng bata, o maliit na sugat lamang.

Nang araw na iyon, wala naman daw nabanggit ang pamilya ng bata kung namatay ang alagang tuta na nakakagat sa pasyente.

Paliwanag ni Ponopio, kung Category 3 ang kagat na tinamo ng pasyente, mayroon din silang itinuturok na anti-tetanus, tetanus toxiod at may antibiotic din.

"Tapos doon po sa mga turok na 'yon, "yon po ay alam ng mga duktor," sabi niya.

Nakompleto ng bata ang lahat ng dose ng anti-rabies noong June 4. Sa nasabing araw, doon lang nalaman ng nurse na namatay ang asong nakakagat sa bata.

BASAHIN: Lalaking nakagat ng aso noong Agosto 2024, namatay nang 'di nakompleto ang anti-rabies shot

Ayon sa pagkakatanda ni Postre, namatay ang tuta tatlong araw matapos na makagat ang anak niya.

"Nakompleto po yung turok noong bata. Tapos, tinanong ko po sila, 'kumusta po yung nakakagat dito?' Namatay daw doon sa last dose. Hindi naman kami makakapag-ERIG (equine rabies immunoglobulin) na noon kasi in that period na day 0 to day 7, doon mo lang siya tuturukan ng ERIG," paliwanag ni Ponopio.

Ang bakuna na ERIG ay pamparalisa umano sa rabies virus.

"As is po kami sa category. Kung ano po ang assessment namin as category 2, yun po ang itutuloy namin," dagdag ng nurse. 
 
Ayon sa ama, noong araw ng botohan ginawa ang ikalawang turok ng anak niya. May 16 naman ang pangatlo at June 4 na ang huling dose, ang araw na nalaman ng nurse na namatay ang tuta.

Noong June 12 nang madaling araw, sinabi ng ama na sumama na ang pakiramdam ng kaniyang anak na nagsuka at nagkaroon ng sinat.

"Dumaan na po yung maghapon, hanggang tanghali para po siyang matindi na ang pagkakalagnat niya. Noong pong nadilim na (gabi) ay para po siyang kinakaligkig na, noong 13 po petsa 13," patuloy ng ama.

Nang araw na nabanggit, dinala nila sa ospital ang anak at binawain na ng buhay.

Kinumpirma ng ospital na rabies ang sanhi ng pagkamatay ng bata kahit nakompleto ang kaniyang anti-rabies vaccine.

Ayon sa nurse,  wala pa siyang karanasan na namatay ang pasyente sa rabies na kompleto ang bakuha. 

"Pero doon po sa ibang place, sabi talaga mayroon talagang mga case na may namamatay," dagdag niya. 

Mabigat para sa magulang ng bata ang sinapit ng anak dahil ginawa naman nila ang dapat gawin nang makagat ng tuta ang bata.

"Sana naman po yung nangyari sa aking anak huwag namang maulit sa iba. Dapat po kung halimbawa na magpapaturok talaga yung mga nakagat ng tuta o aso, bata man o matanda, bigyan po talaga nila ng nararapat na orientation, halimbawa po yung magulang," pahayag ni Postre.

"Wala naman po kaming pang-contest sa kanila. Tanggapin na lang namin na ganito lang kami, na namatay po ang aming anak sa ganun na hindi naman namin ginusto," dagdag niya.-- FRJ, GMA Integrated News