Inihayag ni Jewel Mische na “very misunderstood” siya o hindi naunawaan ng kaniyang mga kasabayan noon sa “StarStruck” Season 4.
“Friends in the circle, how was it? Kumusta ang dynamics mo sa ibang kasamahan mo sa StarStruck?” tanong ni Tito Boy kay Jewel, na guest sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.
“I think I was very misunderstood a lot. Kasi siguro among all of us, ako ‘yung parang hindi ko alam ‘yung pinapasok ko. Kasi some of them may experiences in the past with showbiz. Ako, galing sa probinsya, school lang po ‘yung alam ko. Ibang-ibang mundo ang StarStruck sa akin noon,” sabi ni Jewel.
Dagdag ni Jewel, inakala ng ilan na nagbabait-baitan siya.
“‘Yun lang, na-misinterpret ako tapos feeling ko tingin nila pa-goody two shoes ako that time, tapos very tahimik ako,” patuloy niya.
Dahil dito, pinili niyang mag-solo sa kaniyang StarStruck journey.
“I isolated myself. I didn’t want to insist,” sabi niya.
Sa kabila nito, sinorpresa si Jewel sa pamamagitan ng video message ng mga nakasabayan niya sa StarStruck tulad nina Kris Bernal at Chariz Solomon.
Samantala, muling inihayag ni Jewel ang rason niya kung bakit siya umalis sa showbiz.
“It was the right thing to do for me at that time. Quite frankly medyo, at that time hindi ako decided, hindi ako sure kung first love ko ba talaga ito, ito ba talaga ‘yung passion ko, ito ba talaga ‘yung gusto kong gawin for the rest of my life,” sabi niya.
Gayunman, sinabi niya na dumating sa kaniyang buhay ang naging asawa niya na si Alister Kurzer “at the right time.”
Patapos na ang kaniyang kontrata noon sa ibang network at mas napadali ang kaniyang desisyon.
“Napadali ‘yung decision ko to pursue my other dream to have a family,” sabi niya.
Sa labas ng showbiz, nagawa ni Jewel ang iba pang gawain na nais niyang maranasan, gaya ng gardening, at maging isang maybahay at ina.
“Nasubukan ko ring magtrabaho. I was a designer for a landscaping company. All around. Lahat ng puwede kong gawin,” aniya.
May dalawang anak na ngayon si Jewel kay Alister, na sina Aislah Rose, Emerald Jade, at Yzbel Quinn.—FRJ, GMA Integrated News
