Sinampahan na ng reklamo ng negosyanteng si Atong Ang ngayong Huwebes ang dati niyang tauhan na si Julie “Dondon Patidongan, alyas Totoy, ng tinangka umano siyang kikilan ng P300 milyon kapalit ng pananahimik sa kaso ng nawawalang mga sabungero.
Sinamahan si Ang ng kaniyang abogado na si Atty. Lorna Patajo-Kapunan, sa paghahain ng reklamo sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office, laban kay Patidongan, na isa sa mga akusado sa kaso ng nawawalang mga sabungero na nais nang maging testigo.
Nitong Miyerkules, tinukoy na ni Patidongan na nagtago noon sa alyas na “Totoy,” na si Ang at dalawang iba pa ang utak umano sa pagpatay sa nasa 100 nawawalang mga sabungero mula pa noong 2021.
Idinawit din niya sa alegasyon ang aktres na si Gretchen Barretto, na may nalalaman din umano sa krimen.
Inireklamo ni Ang si Patidongan ng conspiracy to commit attempted robbery with violence against or intimidation of persons, grave threats, grave coercion, slander, at incriminating against innocent persons.
Bukod kay Patidongan, kasama rin sa reklamo ang isang alias “Brown,” na dati rin umanong empleyado ni Ang.
Muling itinanggi ni Kapunan ang mga alegasyon laban sa kliyente niyang si Ang.
“The reason na nandito kami and the reason why we filed the case is because, number one, for the truth to come out. Number two, to affirm that Atong Ang and the members of the… group are willing to cooperate with the government,” sabi ni Kapunan sa press briefing.
“That includes the President, that includes the Supreme Court, and that includes the Secretary of Justice and all the personnel,” dagdag niya.
Sinabi pa ni Kapunan na nasa panig sila ng hustisya at ng mga pamilya ng nawawalang mga sabungero.
“Sana ay mabasa rin ng gobyerno, and we will furnish them a copy, so that sundan nila ‘yung mga lead. Hindi lang isang lead lang na false pa and misleading. ‘Wag sila maniwala sa evidence ng isang whistleblower na alam natin, based on personal knowledge, na siya ang nagdi-distort,” dagdag ng abogado.
Nitong Miyerkules, sinabi ni Kapunan na lumutang na si Patidongan nang malaman nito na walang mangyayari sa ginagawa niyang pangingikil kay Ang.
Nanghihingi umano si Patidongan ng P300 milyon para huwag isabit ang kaniyang kliyente sa kaso ng nawawalang mga sabungero.
Pero sa exclusive interview Emil Sumangil kay Patidongan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ng huli na pinuntahan siya ng isang abogado ni Ang at pinapapirma sa isang kasulatan na nagbabawi sa kaniyang mga isiniwalat kapalit ng P300 milyon.
Tinanggihan umano niya ang alok dahil nais niyang mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
Nauna nang sinabi ni Patidongan na patay na ang nawawalang mga sabungero na aabot umano ang bilang sa 100. Itinapon umano ang mga bangkay nito sa Taal lake na nilagyan ng pabigat na buhangin.
Sa reklamo ni Ang, nakasaad na tinawagan umano siya ni “Brown” noong Pebrero at humihingi ng P300 milyon na pambayad kay Patidongan.
Ipinahiwatig umano ni Brown na kung tatanggi si Ang, idadamay siya ni Patidongan sa kaso ng nawawalang mga sabungero.
Nitong June, nakatanggap umano si Ang ng impormasyon na lumapit si Patidongan sa Philippine National Police at nagbigay ng sworn statement, na idinadawit siya sa kaso. Ginawa umano ang sinumpaang salaysay noong Pebrero.
Nagpatuloy umano si Brown sa pagtawag kay Ang para hingin ang sinasabing pera. Noong Hunyo 22, muli umano siyang tinawagan ni Brown at ipinakausap kay Patidongan, na nagsabi umano na tatahimik siya kapag ibinigay ang pera na kanilang hinihingi.
Sinabi pa umano ni Brown na may nakausap na silang abogado na maghahanda ng affidavit of recantation, at pipirmahan ni Patidongan kapag ibinigay na ang pera.
Tumanggi umano si Ang dahil inosente siya sa ibinibintang na krimen. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News
