Lumuhod at umiiyak na nagmakaawa ang isang taxi driver sa Davao City na patawarin siya ng kaniyang pasahero na inireklamo siya ng sobra-sobrang paniningil sa pasahe. Paliwanag ng driver, nagkamali lang siya ng tingin sa perang ibinayad sa kaniya.

Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing nagharap ang driver at pasaherong nagreklamo na si Ronnie Suicano, sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board-Davao (LTFRB-11) nitong Martes.

Ipinatawag ng LTFRB-11 ang taxi driver nang mag-viral ang post ni Suico nang pagbayarin sila ng kaniyang asawa ng halos P3,000 matapos silang ihatid sa Davao City Overland Transport Terminal (DCOTT) mula sa Davao International Airport, na may layong mahigit 12 kilometro.

Ayon kay Suicano, naka-metro ang taxi na pumatak umano ang kanilang pamasahe ng P2,970.

Nang pansinin umano nila ang bilis ng patak ng metro, sinabi umano ng driver na, “Wala akong magagawa, ganyan talaga ’yan.”

Pero ayon sa taxi driver sa LTFRB-11, inakala niya na P300 o tatlong tig-P100 ang iniabot sa kaniya ng pasahero. Huli na raw nang malaman niya na P3,000 o tatlong tig-P1,000 ang ibinigay sa kaniya.

Gayunman, wala na umano ang mag-asawa nang malaman niya na sobra-sobra ang naibayad sa kaniya.

Nanindigan naman ang pasahero na P2,970 ang nakita niya sa metro kaya niya pinuna habang nasa biyahe ang bilis ng patak nito.

Ayon sa LTFRB-11, masusi nilang pag-aaralan ang reklamo. Kapag napatuyang nag-overcharging ang taxi driver, maaaring matanggalan siya ng lisensiya, at pagmumultahin siya at ang operator ng taxi. –FRJ, GMA Integrated News