Dahil napansin na lumulobo na ang dingding sa kuwarto ng isang bahay sa Basey, Samar, nagpasya ang nakatira rito na tuklapin ang plywood, at doon na naglaglagan ang sangkaterbang barya. Magkano kaya ang kabuuang halaga ng mga barya na nagkasya sa dalawang banyera? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” napag-alaman na ang pamilya ng mag-asawang Joel at Evelyn, kasama ang tatlo nilang anak, ang nakatira sa naturang bahay na nasa isang relocation area.

Kuwento ni Joel, taong 2019 nang mapilitan silang lumipat sa naturang bahay matapos na maapektuhan sila ng matinding bagyo sa dati nilang tirahan.

Galing sa mahirap na pamilya si Joel, na sa murang edad ay kung ano-anong trabaho na ang pinasok.

Kaya naman naging masinop siya sa pera at isinaisip na ang bawat piso ay mahalaga.

Hanggang sa makilala niya si Evelyn noong 2009, na halos katulad niya ang kuwento ng buhay.

Nagsama ang dalawa at nagkaroon ng tatlong anak.

Binuhay nina Joel at Evelyn ang kanilang mga anak sa pagtitinda ng street food na kanilang napalago.

Hanggang sa dumating na ang panahon na kaya na nilang kumita na kadalasan ay umaabot ng P7,000 sa isang araw.

Dito na naisipan ni Joel na abutin ang matagal na niyang pangarap mula pa noong pagkabata na magkaroon ng sariling motorsiklo.

Subalit naunsiyami ang naturang pangarap nang hagupitin sila ng bagyo at mapilitang lumipat na sa relocation area. Gayunpaman, dahil sa likas na masinop sa pera, naisipan ni Joel noong June 2023 na gawing alkansiya ang dingding ng kanilang kuwarto kung saan naghuhulog sila ng barya na P1 hanggang P20.

Ang dingding ang naisipan niyang gawing alkansiya dahil bukod sa hindi niya ito basta-basta mababaklas, nag-e-enjoy din ang kaniyang mga anak sa tuwing maghuhulog ng barya sa butas.

Hanggang sa mapansin na ni Joel na umuumbok na ang plywood sa kanilang dingding kaya nagpasya na sila na buksan ito upang malaman kung magkano na ang kanilang naipon, at kung sapat na ito para mabili niya ang nakitang motorsiklo na nagkakahalaga ng P158,000.

Nang maipon nila ang lahat ng barya, nagkasya ito sa dalawang banyera. Ang hinala ni Joel, posibleng umabot sa P60,000 ang naipon niyang barya. Pero nang matapos nila ang pagbibilang sa mga barya na tumagal ng tatlong araw, magulat sila sa kabuang halaga nito.

Sapat kaya ang naipon ni Joel para matupad at mabili ang pinapangarap niyang motorsiklo? Panoorin ang buong kuwento sa video na ito ng “KMJS.” Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News