May katibayan umano na nagpapakita na may komunikasyon ang mga halaman at insekto sa pamamagitan ng tunog, ayon sa mga mananaliksik mula sa Tel Aviv University, na nagbukas ng bagong larangan sa pag-aaral ng acoustic communication sa kalikasan.
Ayon sa pag-aaral na inilathala sa journal na eLife, natuklasan ng mga siyentipiko na nakikinig ang mga babaeng moth o tila malalaking gamu-gamo sa mga ultrasonic distress signals na inilalabas ng mga natutuyot na tanim na kamatis, at ginagamit ang impormasyong ito upang magpasya kung saan sila mangingitlog.
Karaniwan na nangingitlog ang mga moth sa halaman ng kamatis para magbigay ng pagkain sa kanilang uod kapag napisa.
Pinangunahan nina Rya Seltzer at Guy Zer Eshel ang pananaliksik na ginawa sa mga laboratoryo nina Yossi Yovel at Lilach Hadany, mga propesor sa Wise Faculty of Life Sciences ng Tel Aviv University.
"We revealed the first evidence for acoustic interaction between a plant and an insect," saad ng grupo sa isang pahayag.
Ang bagong tuklas ay pagpapatuloy sa nauna nilang pag-aaral, na nagpapatunay na nakakalikha ng ultrasonic sounds ang mga halaman kapag stress sila.
Maaari umanong magkaroon ng malaking epekto sa agrikultura at pagkontrol ng peste ang natuklasan, dahil nagbubukas ito ng mga posibilidad sa paraan ng pangangalaga sa kalusugan ng pananim at asal ng mga insekto sa pamamagitan ng tunog.
Bagaman hindi maririnig ng tao ang ultrasonic na tunog na inilalabas ng mga halaman, naririnig naman ito ng maraming insekto at ng ilang mammal tulad ng mga paniki.
Bilang bahagi ng kanilang pagsusuri sa ugali ng insekto, nagpakita ang mga mananaliksik sa mga babaeng moth ng dalawang malulusog na tanim na kamatis – na ang isa ay may speaker na may tunog mula sa isang natutuyong halaman, at ang isa naman ay tahimik.
Mas pinili ng mga moth ang tahimik na halaman, na nagpapahiwatig na ginagamit nila ang mga tunog bilang palatandaan upang matukoy ang pinakamainam na lugar para mangitlog sila.
"Here, we've seen that there are animals that are capable of making sense of these sounds," ani Hadany. "We think that this is just the beginning. So, many animals may be responding to different plants." — mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News

