Ipinagtanggol ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. si Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa estilo ng paglalabas nito ng anunsiyo tungkol sa suspensiyon ng klase at pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan na may halong “pakuwela.”

Nang hingan ng reaksyon si Marcos ng mga mamamahayag na nag-cover sa kaniyang biyahe sa Washington, DC, sinabi ng pangulo na hindi siya isang judge ng “literary style." 

“As long as he gets the message across, that's what it's for. That's what all of these postings are for and get some information across," saad ni Marcos. 

''People criticize me for the way I speak, criticize him for the way he speaks. But that's the way he speaks,' ayon pa sa pangulo.

WALANG PASOK: Mga suspendidong klase sa Huwebes, July 24, 2025

BASAHIN: DILG Sec. Remulla kay Laguna Gov. Aragones kaugnay sa pagkansela ng klase: ‘Bago kong BFF’

Ipinaliwanag din ni Marcos na ibinigay kay Remulla ang tungkulin na mag-anunsiyo ng suspensiyon sa klase para maiwasan ang mga maling impormasyon.

"Which website do you consult? So, pagka ganito, basta’t sinabi na, the SILG will make the announcement… Wala ng fake news. Iyon na ‘yung katotohanan. Iyon na ‘yung totoo,” giit niya.

“So that the dissemination of information is better. That is very simple," patuloy ni Marcos.

Taliwas ito sa naging puna ni Vice President Sara Duterte, na nagsabing dapat maging propesyonal sa paggamit sa official social media pages ng government offices.

“So, kung galing ‘yan sa DILG official account, na sinasabi ninyo, confirmed naman na DILG official account, they have to be professional,” pahayag ni Duterte na nasa The Netherlands kung saan nakadetine ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.  

Apology

Humingi na ng paumanhin si Remulla sa pakuwela niyang panimula sa pag-aanunsiyo ng class and work suspensions na pinuna ng mga netizen na hindi umano naayon sa seryosong panahon na may kalamidad.

Sa panayam ni Remulla sa GMA Integrated News’ Unang Balita, sinabi ng kalihim na hindi niya binabalewala ang mga paghihirap na dinaranas ng mga apektado ng kalamidad. Nais lang umano niyang pagaangin kahit papaano ang sitwasyon.

Nitong Martes, nag-post si Remulla sa Facebook account ng DILG na, "Mga abangers, may inaabangan ba kayo? Mamaya na kain muna ko."

Kasunod niyang post, “Mga abangers, sarap ng bogchi ko. Sa kabusugan ay nakaidlip nang sandali. Oh eto na inaabangan niyo!,” na patungkol sa anunsiyo ng kanselasyon ng pasok sa klase at trabaho sa mga sangay ng gobyerno.— Mula sa ulat nina Sandra Aguinaldo/ Anna Felicia Bajo/Vince Angelo Ferreras /FRJ, GMA Integrated News