Ginagalugad ng mga hunter at negosyante ang mga kabundukan sa Pilipinas para maghanap ng mga punong Lapnisan na lumilikha ng Agarwood. Sinasabing mas mahal pa umano sa ginto ang naturang puno dahil sa mahal nitong presyo. Kaya naman hindi kataka-taka kung nanganganib na itong maubos ngayon.
Sa special na “Gintong Puno” ng The Atom Araullo Specials, pumayag ang “hunter” na si “Joel,” na sangkot sa agarwood trade, na ipasilip ang paghahanap niya sa mga puno ng Lapnisan sa Mindanao.
Ordinaryo lamang kung titingnan ang puno ng Lapnisan, ngunit lumilikha ito ng Agarwood sa llob ng katawan sa mga pambihirang pagkakataon. Ang agarwood ang resin o aromatikong dagta na ginagawa ng puno sa tuwing “nasusugatan.”
Upang gumawa ng agarwood maging isang malusog na Lapnisan, sinusugatan ng grupo nina Joel ang puno at nilalagyan ng inoculant.
Hindi bababa sa dalawang taon ang inaabot para tuluyang mabuo ang agarwood sa mga in-occulate na Lapnisan.
Matapos makakuha ng sample na kahoy, inukit na ito ni Joel at bumungad ang itim na Agarwood. Kapag maganda ang kalidad ng kahoy, umaabot umano ang presyo nito sa P100,000 hanggang P120,000 kada kilo.
Ilegal ang kalakaran nina Joel dahil mahigpit na ipinagbabawal ang pagputol ng mga puno sa kabundukan.
Ang mga lokal na buyer naman ng Agarwood mula sa kabundukan gaya ni “Dante,” may kontak sa mga banyagang buyer at kinikilatis ang mga Agarwood.
Hinahanap ng mga banyaga sa Middle East at China ang Agarwood dahil sa mabangong amoy nito kapag sinindihan.
Ngunit ayon kay “Dante,” tila naubos na ang mga matatandang Lapnisan sa Pilipinas na may mga Agarwood na milyon-milyon ang halaga kada kilo.
Ang kaniyang mga ibinibentang Agarwood ngayon, nagmula na lamang sa mga inocculated na puno na nagkakahalaga ng P300,000 kada kilo.
Marami na ring poacher ng agarwood ang nahuli ng mga awtoridad. Ayon sa DENR, mula 2016 hanggang 2021 umabot ng P132 milyon ang halaga ng nasabat na Agarwood mula sa ilegal na kalakaran.
Sa buong mundo, tinatayang $30 bilyon o P1.7 trilyon ang global agarwood market.
Sa kabila nito, may ilan ang nagsusulong ng agarwood farming gaya ni Christopher Albero, na dati ring hunter ng Lapnisan.
Kumikita siya noon ng P1 milyon sa isang araw o P5 milyon sa isang linggo dahil sa Agarwood. Ikinagulat niya na sa Dubai, UAE, ang agarwood na binili sa kaniya sa halagang P700,000 ay umabot pa sa P50 milyon ang bentahan
Pero isang araw, nasimot ang kaniyang mga naipong P10 milyon hanggang P15 milyon nang mabitag siya sa isang pekeng transaksiyon.
Dito siya nagdesisyong iwan ang ilegal na kalakaran at isulong ang agarwood farming sa Pilipinas.
“Noong nahuli ako, talagang karma ito. Kailangan kong gumising. Bigla akong huminto sa pagba-buying. Sobrang nanghihinayang kaya pumasok ako sa farming para makabawi naman ako sa nature,” sabi ni Albero.
Tunghayan sa video ng The Atom Araullo Specials ang buong ulat. – FRJ GMA Integrated News
