Isang 37-anyos na lalaki ang palaging nakadapa at hirap na magsuot ng salawal dahil sa paglaki ng kaniyang puwet at nagkasugat-sugat pa. Kaya sa halip na siya ang mag-alaga sa matanda na niyang ina, siya ang inaalagaan nito, pati ang kaniyang ama na may karamdaman din. Kaya hangad ng lalaki, gumaling siya para matulungan ang kaniyang ina. Pero maaari pa kayang maalis ang bukol sa kaniyang puwet? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” makikita si Ronel Mallo Maderse, na palaging nakadapa sa kama at hirap makatayo o bumalikwas.

Dahil sa laki ng bukol sa kaniyang puwitan, dalawang salawal na lang ang kasya sa kaniya.

Upang makapaligo, ang senior citizen na ina ni Ronel na si Janet ang nag-iigib ng tubig mula sa balon.

Hirap man, pilit na babangon si Ronel upang ipanghugas ang pinakuluang tubig na may kasamang dahon ng bayabas sa kaniyang mga sugat sa puwet.

Matapos nito, babalik agad sa kaniyang higaan. Habang ang kaniyang namang ina, lalabhan naman ang hinubad niyang shorts na kaisa-isa niyang pampalit.

Dahil madalas na hindi nakagagalaw si Ronel, pirming dumidikit sa kaniyang shorts ang kaniyang mga sugat.

Pagkasilang ni Ronel, napansin na ni Nanay Janet ang bukol sa puwet ng anak. Habang lumalaki, unti-unti na ring lumalaki ang kaniyang bukol. Taong 2023 nang singlaki na ng tabo ang mga bukol sa magkabila niyang puwet.

Hunyo nitong taon nang maimpeksyon na ang kaniyang bukol.

“Sa dami ng tao, bakit ako pa? Mabait naman ako. Tumulong naman ako sa pamilya ako. Parang wala na akong silbi na wala na akong trabaho. Hindi na akong makatulong,” ani Ronel.

Ang kaniya namang tatay Rodrigo, mag-iisangg dekada na ring nakaratay, at hindi na maituwid ang kaniyang mga braso at binti dahil nakahiga lang sa loob ng mahabang panahon.

Aksidenteng nataga si Tatay Rodrigo habang umaawat sa isang inuman.

Wala nang ibang maaasahan si Nanay Janet dahil meron na ring sariling mga pamilya ang iba niyang anak.

“Nangangalay, tapos masakit ang baywang, 'yung balikat. Kinakaya ko na lang kasi wala ka namang tatawagin dito eh. Ako na lang mag-isa. Mahirap din eh. Mahirap na ganiyan. Pagod na pagod din ako eh. Kahit gabi hindi ako makatulog. Tumatawag 'yung isa, tatawag din 'yung isa kung ano kailangan niya,” naiiyak na sabi ni Nanay Janet.

“Naaawa na ako sa nanay ko eh. Ang masakit sa akin, ako lang ang tumutulong sa kaniya kasi matanda na siya,” sabi ni Ronel.

Kahit nahihirapan, sinabi ni Nanay Janet na hindi niya susukuan ang kaniyang anak.

“Hindi ko kaya sukuan, siyempre anak mo ‘yun eh. Kahit mahina ako, alagaan ko ‘yan siya hanggang gumaling. Nagdarasal din araw-gabi na sana tulungan kami ng Panginoong Diyos na matapos lang problema namin, na magbalik sa normal ang katawan ng anak ko,” sabi ni Nanay Janet.

Tunghayan sa video ng “KMJS” kung ano ang kondisyon na nagpapahirap kay Ronel, at ang magandang balita sa kaniya ng mga duktor. Panoorin ang buong ulat. – FRJ GMA Integrated News