Doble ang naging dagok ng isang babae nang maaksidente sila ng kaniyang mga kaanak habang sakay ng kotse sa Urdaneta City, Pangasinan. Nasawi kasi ang kaniyang kapatid, at nawawala pa ang alaga nilang aso na kasama nila sa sasakyan. Tunghayan ang nakaaantig na paghahanap sa fur baby.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang video ni Jhonalyn Mae Ilacas o “Lyn” na hinahanap noon ang kanilang aso na si “Shooby,” na isang araw nang nawawala matapos mangyari ang aksidente.

Lima umano sila noon na sakay ng kotse at kalong-kalong ni Lyn si Shooby, nang maipit sila ng dalawang nagsalpukang truck sa expressway.

“Nu’ng nagkamalay na po ako, nakakandong pa [si Shooby] sa akin. Nakita ko siya, okay lang siya. Wala siyang mga galos, ganu’n. Pero nu’ng sumigaw na ako, na-shock siya kaya siya lumabas sa sasakyan. Nu’ng lumabas na siya, hindi na namin siya nakita,” sabi ni Lyn.

Sa kabila ng kaniyang sugat sa ulo, hindi tumigil si Lyn sa paghahanap sa kanilang alaga.

Hanggang sa nag-post siya sa social media sa pagbabakasakali na matulungan siyang mahanap si Shooby.

Kalaunan, may tumawag sa kaniya na isang residente sa Barangay Camanang sa Urdaneta City din tungkol sa aso na nasa kanilang lugar.

Agad itong pinuntahan ni Lyn na laking tuwa nang makumpirma na si Shooby nga ang aso na itinawag sa kaniya. Gayunman nang lapitan niya si Shooby, tinahulan siya nito at hindi siya kaagad nakilala na posibleng dulot din ng dinanas na trauma.

Pero hindi rin nagtagal, nakilala na rin ni Shooby si Lyn at dali-dali siyang binuhat at niyakap.

Sa kabila ng tagumpay na makita ang alaga, hindi pa rin naibsan ang kalungkutan ni Lyn dahil pumanaw sa sakuna ang kapatid niyang si Jhasmine, na malapit din kay Shooby.

Nagdadalamhati man si Lyn, naniniwala siyang si Jhasmine ang nagsisilbing “anghel” upang mahanap niya si Shooby at maiuwi ito sa Ilocos. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News