Pinanggigigilan ang isang tatlong-taong-gulang na batang babae sa San Fernando, Bukidnon dahil sa “mabilog” niyang pangangatawan. Pero babala ng isang duktor, mapanganib para sa edad ng bata ang kaniyang sobrang bigat na umaabot na sa 30 kilos. Bakit kaya? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang batang si Ashley, na napansin ng vlogger na si Roel Matubang, dahil sa laki ng pangangatawan ng paslit.

Hilig ni Ashley ang makipaghabulan sa iba pa niyang mga kalaro, ngunit hindi lang ang kapwa bata ang kaniyang hinahabol, kundi pati ang kaniyang hininga.

Para makapag-recharge, kailangang kumain ni Ashley. Bagaman paborito niya ang fried chicken,  hindi ito kaya ng kaniyang pamilya na ihanda araw-araw kaya itlog ang madalas nilang ulam.

Palagi ring mainit ang pakiramdam ng bata kaya dalawang beses siyang maligo sa isang araw. Para maging komportable, isinusot ni Ashley ang mga damit ng kaniyang inang si Mina Pandogar.

Isinilang si Ashley na may 2.8 kilos ang timbang, na normal para sa isang bagong silang na sanggol. Ngunit pagtapak niya ng tatlong buwan, nag-umpisa nang lumobo ang bata.

Pagsapit naman niya ng limang buwan, naghahanap na si Ashley ng kamote at kamoteng kahoy.

Pero nababahala si Mina, dahil bukod sa mabilis na hingalin ang kaniyang anak, malakas ding maghilik si Ashley.

Kung pintog na pintog ang katawan ni Ashley, ang nakatatanda naman nitong kapatid at panganay na si Marmar, patpatin o payat ang kayawan.

Kahit anim na taong gulang na si Marmar, ang timbang niya, 15 kilos lang na halos kalahati ng bigat ni Ashley.

“Nanghihina siya sa umaga, kaya hindi siya kumakain ng ulam,” sabi ni Marven Pandogar, tatay nina Ashley at Marmar.

Napakapihikan din daw sa pagkain ni Marmar.

Gustohin man ng mag-asawa na ipasuri ang kanilang mga anak, hindi nila ito magawa dahil kulang na kulang sa pang-araw-araw ang kinikita nilang P200 sa pagtatanim ng mais.

“Kung walang magpapaani sa amin, wala kaming pambili ng bigas. Nahihirapan kami,” sabi ni Mina.

Batay sa pagsusuri ng Rural Health Unit ng San Fernando, undernourished si Marmar, o kulang sa tamang nutrisyon ang katawan para lumaki siyang malusog.

“Isa sa mostly probably na puwede mangyari sa bata na stunted or undernourished, prone pa din sila sa infection. Number two, ‘yung cognitive development nila. Maaari pong mahina sila sa school,” sabi ng rural health physician na si Dr. Joeffrey Mambucon.

Si Ashley naman, obese o sobra-sobra ang timbang para sa kaniyang edad at katawan. Hindi rin angkop ang kaniyang tangkad para sa kaniyang edad, o tinatawag na “stunted.”

“Kung hindi po natin maagapan, maaari po 'yung bata ay magkaroon ng severe infection. Maaari po sila magkaroon ng cardiovascular diseases o sakit sa puso. Maaari po magkaroon ng mga fat deposits ang kaniyang mga atay. So magkaroon din po sila ng liver problems kung hindi po maagapan. And risk din po sila na magkakaroon po ng early onset of diabetes,” dagdag ni Mambucon.

Ayon pa kay Mambucon ang obesity sa mga bata ay may kaugnayan sa obstructive sleep apnea, na maaaring humantong sa iba’t ibang komplikasyon.

Tunghayan sa video ng KMJS ang pagkakaloob ng gamot at vitamins ng R.H.U. para sa magkapatid, at ng tulong ng lokal na pamahalaan ng San Fernando sa pamilya ni Ashley. Panoorin.—FRJ GMA Integrated News