Naantig ang netizens sa ginawa ng isang lolo para sa kaniyang asawang maysakit at unti-unti na ring tinatakasan ng kaniyang alaala. Ngunit kahit nasa banig ng karamdaman, ang iniisip pa rin pala ni lola ay ang kapakanan ng lalaking kaniyang minamahal kapag nawala na siya. Tunghayan ang kuwento ng kanilang wagas na pagmamahalan.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang video ni Kimberly Dela Cruz kung saan tila pinipilit ni Lolo Alfredo Gaspar na may marinig mula sa kaniyang pinakamamahal na si Lola Lucena sa taga- Rizal, Nueva Ecija.
Tinatanong ni Lolo Alfredo kung naaalala pa siya ni Lola Lucena.
“Hindi na siya sumasagot. Tumatango na lang siya. Alam niyang ako ‘yung nagsasalita,” kuwento ni Lolo Alfredo.
Bago nito, taong 2019 nang ma-diagnose at nagpagaling mula sa ovarian cancer si lola Lucena. Ngunit nitong nakaraang Mayo, natuklasan ng kaniyang pamilya na bumalik ang kaniyang sakit at naging mas agresibo.
Nitong Agosto, ilang araw matapos ma-confine sa ospital, pumanaw na si Lola Lucena.
“Tinapat na rin po kami ng doktor na na hindi na rin po kakayanin ni nanay kung gagawa pa po ng ibang laboratory sa kaniya, mga diagnostics. Kasi matanda na rin po siya tapos nanghihina na po siya,” sabi ni Kimberly Dela Cruz, uploader ng video.
Ibinahagi rin ni Lolo Alfredo ang isa sa mga huling pag-uusap nila ng asawa.
“Naaawa na ako sa kaniya. Kaya kako, ‘Dear, magpahinga ka na.’ Alam mo ba sinabi niya sa anak ko? Gusto na raw umuwi ng nanay niya. ‘Pero sandali lang ako.’ ‘Bakit? Saan ka pupunta?’ Pupunta na ako sa bayang banal. Doon na sa Kaniya,’” kuwento ni Lolo Alfredo.
“At nagbilin pa siya sa mga anak, sa panganay ko: ‘Kawawa naman ang daddy niyo walang mag-aalaga.’ Kaya doon ako naiyak. Inaalala pa rin niya ako. Siguro, alam niyang hindi na siya magtatagal,” dagdag pa niya.
Ayon kay Kimberly, hindi sanay na magkahiwalay ang kaniyang lolo at lola.
Pag-amin ni Lolo Alfredo, lungkot ang kaniyang nararamdaman ngayon wala na ang kaniyang kabiyak sa buhay.
“‘Pag mag-isa akong kumakain, nami-miss ko siya,” sabi ni Lolo Alfredo.
Sabi ni Kimberly, “Kung tatanungin ako kung ano ang peg ko nang forever, talagang silang dalawa po ‘yun. Sa 60 years of marriage, sa 30 years ko sa mundo, never ko pa silang nakitang nag-away. Para lang po sila talagang mag-best friend. Kaya sobrang emotional din po sa amin ang pagkawala niya.”
Magkasintahan na sina Lolo Alfredo at Lola Lucena noong fourth year high school pa lamang si Lola Lucena.
Ayon kay Lolo Alfredo, kaagad nilang inaayos ni Lola Lucena ang problema kapag mayroon silang tampuhan.
“Kung ano man ang tampo niya, ‘Pasensiya ka na’ kako. Kasi ayaw kong umabot pa kami ng gabi na mayroong hindi pagkakaunawaan,” sabi ni Lolo Alfredo.
Dahan-dahan nang tinatanggap ni Lolo Alfredo ang pamamaalam ni Lola Lucena, habang patuloy namang ang dadalamhati ang pamilya nina Kimberly sa lolang itinuturing nilang “best grandma ever.” – FRJ GMA Integrated News
