Nahuli umano ng security guard sa akto ang isang magkasintahan na gumagawa umano ng kahalayan sa Children’s Park na nasa loob ng Burnham Park sa Baguio City.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing edad 22 ang babae at 23-anyos naman ang lalaki, na inaresto at dinala sa pulisya noong Linggo ng gabi.

Ayon sa pulisya, nagroronda sa parke ang sekyu dakong 6:00 pm nang una nitong makita ang magkasintahan na naghahalikan.

Hinayaan lang umano ng sekyu noon una ang dalawa pero kinalaunan ay nakita na niyang hindi na lang halikan ang ginagawa ng dalawa kaya sinita at inaresto na.

Mahaharap sa reklamong grave scandal ang magkasintahan.

Nagpaalala ang pulisya sa publiko na respetuhin ang mga pampublikong lugar gaya ng mga parke at huwag gagawa ng mga kalaswaan.

“Sana po respetuhin natin ang mga parks dahil siyempre this are intended for recreation or relaxation at ipinagbabawal ang mga paggawa ng illegal activities o anumang indecent or immoral activities,” sabi ni Police Major Marcy Grace Marron, spokesperson ng Baguio City Police Office.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang magkasintahan, ayon sa ulat. –FRJ GMA Integrated News