Isiniwalat ng dating Bulacan first district engineer na si Henry Alcantara ngayong Martes na nakipagtulungan siya kay Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo sa pagbibigay umano ng "komisyon" mula sa pondo ng flood control projects sa kampo nina Senador Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, dating senador Bong Revilla, Jr., Ako Bicol Rep. Zaldy Co, at dating Caloocan representative Mitch Cajayon. Pero ilan sa mga ito ay wala raw siyang direktang komunikasyon, o hindi niya personal na nakausap.
“Taong 2022 nagsimulang magbaba ng pondo sa aking DO (District Office) si Usec Bernardo, ang kasunduan ay 25% [ng proyekto] para sa proponent,” sabi ni Alcantara sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee tungkol sa maanolyang flood control projects ng gobyerno.
“Ang para sa proponent, 25% po at may advance ito na 5% to 15% na kalimitan ang hinihingi ni Usec Bernardo, kalimitang hinihingi matapos ang deliberasyon ng bicam(eral conference committee),” patungkol ni Alcantara sa lupon na binubuo ng piling mga kongresista at senador para ayusin kung may magkaibang probisyon sa hinihimay nilang panukalang national budget.
Ayon pa kay Alcantara, naglagay si Bernardo sa DPWH Bulacan First District Engineering Office (DEO) P350 milyong halaga ng government projects noong 2022, P710 milyon noong 2023, at P3.3 bilyon noong 2024.
Sa P3.3 bilyon noong 2024, sinabi ni Alcantara na kinuha ang P2.85 bilyon mula sa unprogrammed funds o budget items na pinondohan mula sa labis na koleksyon sa buwis at special laws sa paglalaan ng pondo.
“Nung naipapababa na ‘yun (pera) sa aking DO, nagpatuloy ang 25% na bayad sa proponent ng mga proyektong ito na binibigay ko kay Usec Bernardo,” patuloy ni Alcantara.
Bong Revilla
Ayon kay Alcantara, sinabihan siya ni Bernardo na magtabi ng P30 milyon bilang parte umano ng noo’y senador na si Revilla para sa P300 million project. Pinapadagdagan pa umano ito para sa project proponents dahil sa malaking alokasyon na inilaan sa DPWH Bulacan First District DEO.
“Sinabihan ako ni Usec Bernardo, kay Senator Bong ‘yan, baka gusto mo tumulong sa kaniya. Dagdagan mo ang proponent, ikaw na bahala,” ayon kay Alcantara.
Pero paglilinaw ni Alcantara, hindi siya kailanman nakipag-ugnayan kay Revilla.
“Never ko po nakakausap si Senator Bong Revilla. Never po,” dagdag niya.
Joel Villanueva
Pagpapatuloy ni Alcantara, hiniling umano ni Villanueva sa DPWH na pondohan ng P1.5 bilyon ang multi-purpose building sa 2022. Pero P600 milyon lang umano ang kaya nilang ibigay noon. Dahil ito, naghanap umano sila ng paraan ni Bernardo para maibigay ang hinihingi ni Villanueva.
“Sa halagang P1.5 bilyon ay P600 milyon lamang ang napagbigyan ng pondo para sa multi-purpose building. Kaya napilitan kami gumawa ng paraan ni Usec Bernardo. Hindi humingi ng partikular na proyekto o porsiyento si Senator Joel, pero inutos ni Usec Bernardo na bigyan na lamang ng proyekto na may katumbas na P150 million [na komisyon] ang proponent (na si Villanueva),” ani Alcantara.
“Dahil dito, nabigyan si Senator Joel ng proyekto under unprogrammed appropriations ng 2023 na nagkakahalaga ng P600 milyon na pawang mga flood control ng mga proyekto at kung saan, kung susumahin ang 25% para sa proponent ay halagang P150 million. Ang halagang P150 milyon, dinala ko sa rest house sa Brgy. Igulot, Bocaue, Bulacan, na iniwan ko po sa tao niya na nagngangalan lang pong Peng,” sabi ni Alcantara.
Ayon pa kay Alcantara, “Sinabi ko kay Peng na pakibigay na lang kay Boss, tulong lamang 'yan para sa future na plano niya. Hindi po nila alam na doon galing 'yun sa flood control. Matapos po na hindi na po kami nagkausap.”
Jinggoy Estrada
Ayon pa kay Alcantara, si Bernardo ang humiling na tumukoy pa siya ng ibang “proponent” dahil may P355 milyon pondo pa na natitira. Inilagay niya ito kay Estrada para sa Phase 3 ng pitong pumping stations na may floodgates
“Kay Senator Jinggoy po...the proponent gets 25% of this [P355 million] at binigay ko po kay Usec Bernardo kasama ng iba pang proponent ng mga pondong binibigay niya sa akin para sa taong 2025. [Pero] wala po akong direktang transaksyon o direkta ng pakipag-ugnayan kay Senator Jinggoy,” pahayag ni Alcantara.
Zaldy Co
Inilahad naman ni Alcantara na una niyang nakilala si Rep. Co sa Taguig City noong September 2021. Nagbigay umano si Co ng P519 milyon na halaga ng proyekto sa DPWH Bulacan First DEO na ipatutupad sa 2022.
Mula 2022 hanggang 2025, sinabi ni Alcantara na nagbigay si Co ng P24 bilyon hanggang P35 bilyong halaga ng proyekto sa DPWH Bulacan First DEO para ipatupad. Nakalaan umano ito sa 426 infrastructure projects na ipatutupad sa nasabing panahon.
“Sa bawat proyekto na pinapasok ni Cong Zaldy, meron akong binigay na obligasyon sa kaniya base sa aming kasunduan. Noong 2022, ang kanilang hinihingi na budget sa bawat proyekto ay 20% lamang po. ‘Yun po yung 20% po na 2022 inaayos po namin doon sa litrato po na naipakita sa House investigation,” sabi ni Alcantara.
“Noong taong 2023 hanggang 2025, tumaas ang porsyento ng 25%,” dagdag niya.
Ayon kay Alcantara, may pagkakataon na may inuutusan siyang magdala ng pera na parte ni Co, at kung minsan ay siya umano ang nahahatid sa kinatawan ni Co na sina “Paul” at “Mark.”
“Dahil sila po 'yung nag-message po sa akin through Viber, disappearing message po 'yun, na doon ko po dadalhin. May isa o dalawang beses na dinala ko sa parking lot ng hotel. Paminsan minsan, hinahatid ko ito sa kaniyang bahay, sa Pasig City. Minsan po, inuutos ko lang po. Minsan po, ako po ang nagbababa,” paglalahad niya.
Sinabi ni Alcantara na naglalagay din umano si Co ng pondo sa iba pang DPWH DEO sa Bulacan 2, Tarlac 1, Tarlac 2, pero hindi umano alam ng nasabing mga tanggapan ang tungkol kay Co dahil siya (Alcantara) ang nakikipag-usap sa mga ito.
COA Comm. Mario Lipana
Binanggit din ni Alcantara si Commission on Audit commissioner Mario Lipana, na nagtatanong umano sa kaniya ng listahan na maaaring pondohan ng DPWH.
Ayon aky Alcantara, napondohan ang mga hiling umano ni Lipana sa ilalim ng unprogrammed appropriations noong 2023 sa halagang P500 milyon, 2024 na P400 milyon, at 2025 ng P500 milyon.
Unang naugnay si Lipana sa kontrobersiya sa ginawang pagdinig sa Kamara de Representantes sa budget dahil napag-alaman na may construction firm ang kaniyang asawa.
“Wala akong personal knowledge kung paano nila nakuha ang pondo at kung sino ang kausap. Ang listahan ng mga proyektong na ipasok ni Commissioner Lipana ay nakalakip sa sinumpaang salaysay sa Annex po [ng affidavit ko],” ayon kay Alcantara.
Mitch Cajayon
Sinabi naman ni Alcanta na noong kongresista si dating Caloocan Rep. Cajayon, nakakuha umano ito ng P411 million funding mula sa DPWH Bulacan First DEO na ipatutupad sa 2022.
“May usapan kami na may gastos [para sa kaniya] na 10% lang po. Hindi niya po pinakialaman 'yon. Sabi niya, bahala ka na kung sino man ang mananalong kontraktor diyan,” ayon kay Alcantara.
Sinuportahan ni dating Bulacan First assistant district engineer Brice Hernandez ang mga pahayag ni Alcantara.
“Opo. Actually, lahat ng dine-deliver niya, kami nga po ang nag-aayos ng pera nito kagaya nung nasabi ko sa mga unang hearing po natin,” pahayag ni Hernandez bilang tugon sa tanong ni Senador Bam Aquino.
Nang tanungin kung sinusuportahan niya ang mga pahayag ng kaniyang dating boss na si Alcantara, sabi ni Hernandez, “Opo, your honor. Meron lang pong ilang ano pa, ilang taong na hindi niya nabanggit pero hindi ko po masabi 'yun kasi baka kasuhan rin ako ng libel.”
Itinanggi
Nauna nang inihayag nina Villanueva, Estrada, Co, at Cajayon na wala silang kinalaman sa umano’y mga katiwalian sa flood control projects.
Sa Facebook post noong September 18, sinabi ni Cajayon na hindi niya kilala sina Alcantara at Hernandez, na unang nagbanggit sa pangalan niya.
Inihayag pa nina Villanueva at Estrada na handa silang pumirma sa “waivers” para silipin ang kanilang bank accounts. — mula sa ulat ni Llanesca T. Panti GMA Integrated News
