Ibinahagi ni Alessandra De Rossi ang malalim niyang pinanghuhugutan kung bakit ayaw na niyang gumawa ng kissing at love scenes.
Sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, inilahad ni Alex na bilang isang actress-director, hindi niya nakikita ang pangangailangan ng gumawa ng intimate scenes sa isang pelikula.
"Ayaw ko. Hindi rin sila required sa films ko na ganon. Dito, mayroon kaming konti sa 'Everyone Knows Every Juan.' Tapos tinanong ako, ipapakita ba 'yon. Hindi siya ipapakita. Mababanggit lang talaga siya. Gano’n. Hindi na kailangan visually ipakita," sabi ni Alex.
Bagama’t gumawa na ng ilang kissing scenes noong nag-uumpisa pa lamang siya sa kaniyang career, sinabi ni Alessandra na nabago na ang kaniyang pananaw ukol dito.
"Nakakadiri siya number one. Number two, kapag nakita mo siya... 'Yung first ko kasi eight shots paikot-ikot so parang I was 16-17 years old, nasaktan ako, na puwede pala mangyari 'yon na hindi mo kontrolado na another shot, another take. Kiss kayo. Ugh, sumasakit ang katawan ko," anang award-winning actress.
"Noong napanood ko siya parang na-feel ko magiging proud ba ang tatay ko sa akin? Puro lalaki din ang mga kaibigan ko. Wala silang nakikitang that side of me kasi nga when I'm around them, talagang boys tayo. Then all of a sudden, 'di ba, 'Uy si Alex?'” dagdag niya.
Kaya ayon kay Alessandra, maaaring dayain ang love scenes at mas gusto niyang gumawa ng mga eksena na kayang panoorin ng mga bata.
Inamin niyang dahil sa mga pamantayan niyang ito, nawalan siya ng mga proyekto.
"Madami akong nawala. 'Yung isa may exposure kasi kakapanganak pa lang. Or 'yung isa importante talaga 'yung love scene. Malaking project sila pero hindi naman ako nagsisi," sabi ni Alessandra.
Bumida si Alessandra sa 2024 Metro Manila Film Festival Best Picture na "Green Bones." Bumibida rin siya sa Cinemalaya film na "Republika ng Pipolipinas."
Siya rin ang direktor ng inaabangang pelikula na "Everyone Knows Every Juan," na mapanonood sa mga sinehan ngayong Oktubre. – FRJ GMA Integrated News
