Inihayag ni Rachel Alejandro kung gaano niya nami-miss ang kaniyang ama na si Hajji na pumanaw dahil sa sakit nitong nakaraang Abril.

Sa guesting nila ni Geneva Cruz sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, sinabi ni Rachel na hindi niya maiwasan kung minsan na mag-break down.

“Everyday, kunwari, I'm outside, naglalakad lang ako sa New York. Minsan, I'll just break down, kasi may maaalala akong moment of us performing together or he said something funny,” kuwento ni Rachel.

Kaya minsan, patuloy na naikukuwento ni Rachel ang kaniyang ama sa mga tao.

“And I find myself, when I’m with people, I tend to tell them stories of, you know, ‘My dad said this,’ ‘He said this funny thing,’ He tells stories upon stories ng mga just funny moments with him,” saad niya.

Inalala ni Rachel ang mga huling pag-uusap nila ni Haggi, kasama ang desisyon nitong sa bahay na lamang mamalagi sa halip na sa ospital.

“It was very, in the end e. You know, parang I just wanted him to tell me ano ang mga bilin [niya]. At the end, I wanted him to tell me what he wanted. And of course, a lot of it had to do with kung gusto ba niyang to go back to the hospital. Kasi he decided to stay at home. He just wanted to do palliative care. So yung mga gano'n, at the end, it was about things like that,” pagbahagi niya.

Ayon kay Rachel, gusto sana niyang lumaban pa sana ang ama sa karamdaman.

“Oo, na gusto niya lang ‘yun, nasa bahay na lang siya. Ayaw na niyang magpagamot. And of course, talagang I wanted, oh my God, that was the hardest. Kasi gusto ko siyang lumaban sana,” sabi ni Rachel.

Ngunit dahil mahal niya ang kaniyang ama, iginalang niya ang pasya nito.

“Alam mo, no. Kasi sobra akong… sobra akong respectful at sobra ko siyang mahal na hindi ko masabi sa kaniya, ‘Oh my God, lumaban ka.’ Parang, ‘Okay, Dad,’ gano'n na lang. I just wanted to respect what he wanted,” paliwanag niya.

Pag-amin ni Rachel, may mga pagkakataong naisip niyang sana kinumbinsi niya ang ama na lumaban.

“So, in a way, minsan I think about it na dapat lang pinilit ko,” anang OPM singer.

Komento naman ni Tito Boy, “I understand. Hindi, ibibigay mo. That's coming from a space of love.”

Sa panahon ng kaniyang pagluluksa, nagpasalamat si Rachel sa kaniyang asawa na si Carlos Santamaria na naging sandigan niya.

Inihayag naman ni Geneva ang alaala niya tungkol kay Hajji.

“Kasi sobrang bait niya talaga. Lagi akong invited sa mga family gatherings nila (Rachel). So, never ko siyang nakita na hindi nakangiti,” sabi ni Geneva. “And plus, I'm a fan of his.”

“Kasi napakagaling talagang performer. And on time lagi, napaka-professional, napakagaling pa rin ang boses, ang galing pa rin sumayaw,” dagdag niya.

“Kaya naiintindihan ko si Ces when she was talking to me nung nasa hospital nga si Tito Hajji. It was really tearing her apart. Talagang, kasi nga ‘yung dad niya, na isa sa idols na, nakikita niya he was weak. It was hard for her to watch,” pagbabahagi ni Geneva.

Lumaban si Hajji sa sakit na colon cancer, bago pumanaw sa edad 70.

Isinilang bilang si Angelito Toledo Alejandro, miyembro si Hajji ng Circus Band at nagwagi sa Metro Manila Popular Music Festival para sa kantang "Kay Ganda ng Ating Musika."

Kabilang sa kaniyang hit songs ang "Panakip-butas," "Tag-Araw, Tag-Ulan," at marami pang iba. – FRJ GMA Integrated News