Umusok, sumabog, at nagliyab ang isang power bank na may lithium battery matapos na paglaruan ng isang aso sa sala ng isang bahay sa North Carolina, USA.

Sa video ng Chapel Hill Fire Department na inilabas sa GMA Integrated Newsfeed, makikita ang pag-apoy ng carpet na nasa sala. Sa kabutihang-palad, hindi na lumaki pa ang apoy at kusang namatay din kinalaunan.

Ayon sa may-ari ng bahay, natadnan na lang niyang sunog ang bahagi ng carpet nila sa sala at mausok sa loob ng bahay.

Nang tingnan nila ang CCTV footage, doon na nila nalaman na ang kanilang aso na si Colton ang pasimuno ng insidente nang paglaruan nito ang power bank at makagat ang baterya.

Makikita sa video footage na napatakbo ang aso paakyat sa hagdan nang makita niyang umusok ang power bank, na nasundan ng pagsabog at pag-apoy,

“The battery in the video was charged and unplugged when finished. It wasn’t under any recalls, but it wasn’t stored away safely,” ayon sa Chapel Hill Fire Department.

Nasira daw ni Colton ang protective features ng device nang nguyain niya ang baterya. Hindi naman nasaktan ang aso sa insidente.

Samantala, nagliyab din ang isang device na dala ng isang pasahero habang nasa ere ang sinasakyan nitong eroplano na patungo sana sa South Korea.

“A lithium battery spontaneously ignited in a passenger’s carry-on luggage stores in the overhead bin on flight CA 139. The crew immediately handled the situation according to procedures, and no one was injured,“ ayon sa Air China Airline.

Galing sa Shanghai, China ang eroplano at lalapag sana sa Incheon International Airport. Pero dahil sa insidente, nag-emergency landing ang eroplano sa Shanghai Pudong International Airport sa China pa rin.

Dati nang ipinagbabawal ng ilang airlines ang pagdadala ng device na may lithium batteries dahil sa peligro na maaari nitong idulot dahil posible itong mag-overheat at sumabog.—FRJ GMA Integrated News