Tila eksena sa isang maaksyong pelikula ang nangyaring sakuna sa Nabas, Aklan nang mawalan umano ng preno ang isang 10-wheeler at suwagin ang van na nasa unahan niya, at nadamay ang iba pang sasakyan.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video footage na kuha mula sa isang sasakyan na nasa unahan ng naaksidenteng truck at van sa bahagi ng Barangay Libertad noong gabi ng Lunes.

Sa naturang video makikita na tinumbok ng truck ang van na nasa kaniyang unahan. Parehong tumagilid ang dalawang sasakyan, at tinamaan nila ang iba pang sasakyan na nasa kabilang linya.

Ayon sa mga awtoridad, 10 ang lahat ng mga sasakyan na nasangkot sa insidente, at dalawa rito ang nahulog pa sa bangin.

Bagaman may naiulat na limang nasaktan at dinala sa ospital, sa kabutihang-palad, wala namang nasawi.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente. – FRJ GMA Integrated News