Nagsimula na tila “eksperimento” dahil sa hindi malaman kung anong luto ang gagawin sa natirang manok sa ref, ngayon, isang patok na negosyo na ng mag-asawa ang tinapang manok sa Bulacan.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” itinampok ang tinapang manok ni Mercy De Jesus, na matatagpuan sa Barangay Pitpitan sa Bulakan, Bulacan.

Matapos linisin ang mga manok at pakuluin sa tubig ng 20 minuto, papahiran na ang mga ito ng secret sauce. Saka ipapasok ang mga marinated na manok sa drum para pausukan ng halos dalawang oras.

Kusot ang kanilang panggatong na siyang nagbibigay ng kulay at bango sa manok. Ibinibenta ni Mercy ang kanilang tinapang manok ng P350 hanggang P400.

Minana pa ni Mercy ang Chayong's Tapahan mula sa tiyahin ng kaniyang yumaong mister noon 1970s. Nang nabiyuda, ipinagpatuloy ni Mercy ang pagtitinapa ngunit isda lang ang itinitinda niya noon.

Ngunit nitong Hulyo lamang, napagdiskitahan nina Mercy at kinakasama ngayong si George, na gawing tinapa ang natira nilang manok sa ref.

“Komo nga masisira, inisip ko ano bang gagawin ko, piprituhin ko ba? Naisip ko mayroon kaming tapahan bakit hindi ko kaya pausukan,” sabi ni Goerge.

Ayon kay Mercy, nang matikman ng kaibigan ang eksperimentong tinapang manok sinabi umano nito na malayo ang mararating ng naturang lutuin.

Ngayon, nakabebenta na sila ng halos 100 piraso ng manok kada araw na malaking tulong umano sa kanila.

Samantala sa Toboc, Poblacion sa Danao City, Cebu, hindi manok kung hindi mga sariwang isda ang pinapausukan upang gawing smoked fish o “Tinap-Anan.”

Isa na sa mga institusyon ng Tinap-Anan ang “Paz Tapahan” ng pamilya ni Mary Jean Geralde. Tinuruan siya ng kaniyang ina noon pang 1970 at nagbenta sila sa Lapu-Lapu City, bago nila ito dinala sa Danao City.

Pinakamabenta sa kanila ang bariles at tulingan na isda. Hindi na nila tinatanggal ang hasang at lamanloob ng isa, bago tutusukin sa stick ang mga nilinis na isda. Saka nila ito huhugasan sa tubig na hinaluan ng asin at pampalasa.

Naibebenta nila ng P35 hanggang P350 ang bawat stick ng Tinap-Anan, depende sa laki. Masarap itong kapares sa puso o hanging rice.

Sa Oroquieta City naman sa Misamis Occidental sa Mindanao, makikitang nakasampay sa mga bakuran ang mga pira-pirasong karne ng baka o kalabaw na paborito nilang ihanda tuwing pista.

Bersiyon nila ito ng tinapa na kung tawagin ay “Kusahos.”

“Gusto ko 'yung ginagawa ko na magkusahos para ma-preserve 'yung karne, hindi lang sa nilalagay sa ref at mausukan, para maiba naman 'yung lasa ng karne,” sabi ng isa sa mga gumagawa ng Kusahos na si Dina Tac-an.

Maninipis lamang ang paghiwa sa mga karne para madaling matuyo sa init. Saka ito itutusok sa stainless steel o bakal na pantuhog, at isasampay sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.

Matapos nito, pauusukan ang natuyong karne sa kanilang dangkalan o lutuan sa loob ng tatlong oras. Masarap daw itong gawing adobo at paborito ring isahog sa gulay. – FRJ GMA Integrated News