Isang doktora ang natangayan umano ng P93 milyon na inilagak niya sa investment na scam pala. Ang biktima, mapaniwala ng mga suspek dahil sa artificial intelligence (AI) na video na pinagmukhang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naghihikayat sa kaniya, at may mga kasama pa raw na mga mamahaling regalo.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, nasakote ang dalawang suspek sa Angeles City, Pampanga matapos ikasa ang Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang entrapment operation makaraang humirit pa sila ng P20 milyon sa biktima.

Ayon kay Dra. Marie Faith Sagun-Villarta, nahikayat siya at nagtiwala sa mga suspek na maglagak ng puhunan dahil sa video umano ni Marcos, at mga mamahaling regalo na gaya ng bag, watch, at sasakyan, na galing din daw sa pangulo.

“That time magpapa-file ng candidacy yung mga politician parang year 2024. Mag-invest daw kami kasi kailangan ng funds and after manalo or after some time, magkakaroon ng dividends. Nag- start siya ng mga 20% to 30%,” kuwento ni Sagun-Villarta.

Nakapagbigay umano siya sa mga suspek ng P93 milyon sa loob ng isang taon.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong estafa o swindling, through false pretenses or fraudulent acts in relation to cybercrime.

Kinukuha pa ng GMA Integrated News ang pahayag ang mga dinakip na suspek na nasa PNP-CIDG Tarlac.

Sinabi naman ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, tungkol sa AI video, “Anyone can see the difference between the President’s speech pattern and the individual in the subject video. It is without a doubt a deepfake… an AI generated video.”

“Hindi na ba sila nadala sa kagagawa ng fake video para sirain ang Pangulo? Magtrabaho na lang silang mga obstruction, at tumulong na lang sila sa Pangulo para mas mai-angat pa ang Pilipinas,” dagdag niya.—FRJ GMA Integrated News