Kung nakararanas ng heartburn o hapdi sa dibdib, posibleng dulot ito ng acid reflux. Ano nga ba ang mga sanhi nito, at paano ito maiiwasan gaya ng posisyon sa pagtulog? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Pinoy MD,” itinampok ang 26-anyos na si Jean Solis, na nakararanas ng acid reflux na nagdudulot ng hirap niya sa paghinga at parang inaatake sa puso.
“Kapag ina-attack po ko ng heartburn, sobrang init po talaga sa dibdib. Namamanhid po 'yung dibdib ko. Doon po ko nahihirapan huminga nang malalim. Para 'yung feeling na ina-attack ka sa puso, na akala mo hihimatayin ka,” sabi ni Jean.
Paliwanag ng Pinoy MD, dumaraan sa esophagus ang lahat ng kinakain ng tao papunta sa tiyan. May digestive acids dito na tumutunaw sa mga kinakain.
Gayunman, may mga pagkakataon na umaakyat ito sa esophagus na nagdudulot ng acid reflux o tinatawag na gastroesophageal reflux disease.
Kasama sa mga sintomas nito ang pananakit ng dibdib o heartburn, at pakiramdam na tila naduduwal.
“Nalalasahan ko po siya na medyo may mapait, na mapait na maasim, 'yung mga ganun pong panlasa. Umiinit po 'yung sikmura ko pataas po,” sabi ni Jean.
Maihahambing ang pag-atake ng acid reflux sa isang bote ng soft drinks na hinulugan ng candy.
“The lining of the esophagus at saka ang lining ng stomach ay magkaiba. So whenever there's acid from the stomach that goes up, dahil hindi normal na may acid sa esophagus, may nararamdaman ang pasyente,” paliwanag ni Dr. Judith Gapasin-Tongco, presidente ng Phil. Society of Gastroenterology.
Natutukoy kung nakakaranas ng acid reflux ang isang tao sa pamamagitan ng endoscopy.
“It's just that we call it heartburn kasi ang lokasyon niya nandito sa gitna na typically alam nating lahat ay lokasyon ng puso. But it's not actually your heart that is causing you the problem but it is the acid in the stomach that goes up into the esophagus,” sabi pa ni Gapasin-Tongco.
Ilan sa mga pagkaing madalas na nagdudulot ng acid reflux ang citrus fruits dahil sa natural acids nito, dairy products gaya ng gatas at keso na taglay na lactose, at ang maanghang at mamantikang mga pagkain.
Maaaring ding magdulot ng acid reflux ang mga inuming may caffeine gaya ng soft drinks at kape.
Pangontra naman sa acid reflux ang aloe vera juice at apple cider vinegar. May taglay na enzymes ang mga na mainam para sa digestion.
Puwede rin haluan ng dalawang kutsarang baking soda ang isang basong tubig saka iinumin nang dahan-dahan na mag-neutralize ng sobrang digestive acid sa sikmura.
Iwasan ding mahiga agad pagkatapos kumain, lalo na kapag nakadapa. Tamang posisyon sa pagtulog ang pagbaling sa kaliwa at bahagyang mas mataas ang ulo sa katawan.
Kapag nakabaling ang isang tao sa kaliwa kapag natulog, naglalabas ng fluids pababa sa tiyan ang atay at gallbladder na tumutulong para ma-neutralize ang acids.
“Ang reason kung bakit gano'n is kasi 'yung location ng esophagus natin. 'Yung lying down on the left side na posisyon will aid gravity para bumaba ang ating kinain,” paliwanag ni Gapasin-Tongco.—FRJ GMA Integrated News
