Hindi nagpatinag ang isang ama sa kaniyang karamdaman na Parkinson's disease upang maihatid sa altar ang anak niyang ikakasal kahit pa hirap siyang maglakad.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing ninais ni Stephanie na maging bahagi ng kaniyang kasal ang kaniyang ama na si Tatay Allan, na pinapahirapan ng Parkinson’s disease.
Ang Parkinson’s disease ay nagdudulot ng involuntary movements o hindi makontrol na paggalaw ng katawan ng tao.
Noong una, nagdalawang-isip umano si Tatay Allan na ihatid sa altar ang kaniyang anak dahil sa kaniyang kalagayan. Nangangamba kasi siya na pagtitinginan siya ng mga tao.
Ngunit sa huli, namayani ang hangarin ni Tatay Allan na makasama sa mahalagang bahagi ng buhay ng kaniyang anak. Kaya naman kahit hirap siyang maglakad, inihatid pa rin niya si Stephanie sa groom na naghihintay sa altar.
Hanggang sa reception, nandoon si Tatay Allan upang magbigay ng mensahe sa bagong kasal.
“Nakakita ka rin ng tunay na pagmamahal. Ang dami mong pinagdaanan. Rodel, ikaw na ang bahala sa anak ko. Alam kong mahal na mahal mo siya. Nagpapasalamat ako sa iyo. Napakabait mong tao,” sabi ni Tatay Alan, na kailangang alalayan sa pagtayo dahil sa posibilidad na matumba siya.
Taong 2013 nang ma-diagnose na may Parkinson’s disease si Tatay Allan, na ayon sa Mayo Clinic, ang naturang karamdaman ay isang movement disorder mula sa nervous system.
Karaniwang sintomas nito ang panginginig pero puwede ring itong magdulot ng paninigas ng katawan, pagkawala ng balanse, at hirap sa pagsasalita.
Ayon sa mga doktor, posibleng lumala ang mga sintomas habang tumatagal. Sa ngayon, wala pang lunas sa naturang karamdaman. Bagaman may gamot na posibleng magpagaan sa mga sintomas nito.
Ang hiling ni Tatay Allan at kaniyang pamilya sana raw ay may tumulong sa kanila para matustusan ang kaniyang care plan at mga gamot. – FRJ GMA Integrated News
