Napatakbo pabalik ng kuwarto ang isang babae nang mapagtanto niya na imposibleng partner niya ang nakita niyang nagbukas ng pinto sa kanilang kuwarto dahil nasa trabaho pa dapat ito nang mga sandaling iyon. Ngunit sino kaya ang nakita niya? Alamin.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video footage mula sa loob ng kuwarto nila Aki dakong 2:00 am na biglang bumukas ang pinto nito kahit walang tao.
Mula sa kaniyang pagkakahiga, nakita umano ni Aki sa labas ng kuwarto ang kaniyang partner na dapat ay nasa trabaho pa noon at 6:00 am pa makakauwi mula sa duty.
Madidinig sa audio ng CCTV na tila may kinausap pa si Aki at tinanong kung bakit maaga ito.
Ngunit nang hindi sumagot ang inakala niyang partner niya, lumabas ng kuwarto si Aki para sundan ito sa ibaba.
Pero habang nasa labas si Aki, makikita na kahit walang tao ay nagbukas-sara pa muli ang pinto sa kanilang kuwarto kung nasaan din ang kanilang baby.
Nang walang nakita sa ibaba ng bahay si Aki, doon na raw siya kinilabutan nang mapagtanto niya na imposibleng umuwi ang kaniyang partner nang oras na iyon dahil nasa trabaho pa ito.
Kaya patakbo siyang bumalik sa kuwarto at tinawagan ang partner para alamin kung nasaan ito. Doon niya nakumpirma na nasa trabaho pa ang kaniyang partner.
May madidinig din sa video na tinig nang tila umiiyak.
Pinaniniwalaan na doppelganger ng partner ang nakita ni Aki.
Ang doppelganger ay mga kakaibang nilalang na ginagaya ang hitsura ng mga buhay na nilalang.
Gayunman, hindi isinasantabi ng mga eksperto na ang ganoong mga “sighting” ay posibleng bunga lang ng malik-mata o hallucination ng isang tao.
Ang iyak naman na nadinig sa video, maaari umanong distorted noise o ingay na mula sa electronic devices. – FRJ GMA Integrated News
