Kasamang inaalala ng ilang pet owners tuwing Undas ang yumao nilang fur babies. Masakit ang magpaalam sa isang alaga na itinuring nang bahagi ng pamilya at makikita ang kanilang paghina dahil sa mga karamdaman o katandaan. Pero kakayanin mo bang magpasya tungkol sa kanilang buhay sa pamamagitan ng euthanasia o mercy killing?

Alamin ang ilang kuwento ng fur parents na pabor o tumanggi sa euthanasia para sa kani-kanilang alaga. Alamin din ang ilang paraan para magkaroon ng magandang alaala ang mga yumaong mahal na alaga.

Ang sakit ng pagpapaalam

Hindi malilimutan ni “Aldrin” ang aso niyang Japanese Spitz na si “Deedee,” na 16 na taon na naging bahagi ng kanilang pamilya.

Inilarawan ni Aldrin si Deedee na isang mabait, matalino, at hindi masyadong maingay na aso. Nakokontrol daw kasi ni Deedee ang emosyon nito.

“’Yung ibang aso namin, uncontrollable 'yung kanilang ingay kapag may tao sa garahe or gate or something. Hanggang sa ‘yung sobrang pagod ng kakatahol nila, sumasalampak, tapos hingal na hingal. Si Deedee, tatahol, tapos nakatingin sa bintana. Ang tahol niya hindi nakaharap sa tao pero nakaharap sa bahay. 'Yung talagang nagtatawag siya [ng pansin na may tao],” kuwento ni Aldrin.

“Tapos controlled. Tatahol, naghihintay siya. ‘Pag walang reaction tatahol ulit, maghihintay siya. Ganon 'yung traits niya,” dagdag niya.

Bukod dito, naglalambing din umano si Deedee na itinutulak at pinapaingay ang kaniyang dog dish kapag bitin sa pagkain.

Dahil kay Deedee, natuto raw si Aldrin na maging pasensiyoso at mapag-unawa.

“Mabait siya. Ako kasi medyo minsan nagagalit, nangkokontrol or what. Pero siya, 'yung nakita ko sa kaniya, for a Japanese Spitz, sabi kasi ng vet namin, masungit ang Japanese Spitz, pero siya mabait. Hindi siya nangangagat sa vet. Sa lahat ng aso namin, siya 'yung pinakamabait,” sabi ni Aldrin.

Mahusay na naalagaan ng pamilya ni Aldrin si Deedee. Minsan na ring nagkaroon ng impeksiyon ang aso ngunit naipagamot at nalampasan ni Deedee.

Ngunit gaya ng tao, humihina rin ang katawan ng mga aso kapag tumatanda na.

“Basically matanda na talaga, 16 years old eh. Tapos nu'ng hindi na siya makabangon, nakahiga lang talaga, tapos medyo nagdudumi na… hindi niya na ma-swat 'yung bangaw. ‘Pag lumalabas, hindi na siya makapasok sa bahay,” kuwento ni Aldrin.

Kasabay ng pagtanda ni Deedee ang pagkakaroon niya ng iba’t ibang sakit. Hanggang sa isang araw, hindi na talaga bumabangon ang aso bagaman nakagagalaw pa nang bahagya.

Nang bumisita sa kanilang bahay ang kanilang beterinaryo, sinabihan sila Aldrin na bilang na ang sandali ni Deedee.

“So after that, noong nagpatawag kami ng vet sa bahay, ang sabi niya, ‘Kailangan nang i-put to sleep [si Deedee],’” ani Aldrin.

Pagkabanggit sa kaniya ng beterinaryo ang tungkol sa euthanasia, hindi na nagdalawang-isip si Aldrin dahil hindi niya na rin nais na makitang naghihirap ang mahal niyang alaga.

Isinagawa ang euthanasia kay DeeDee sa sumunod na pagbisita ng beterinaryo sa kanilang bahay.

“Peaceful naman 'yung kaniyang old age,” sabi ni Aldrin. “Para sa amin, unfair na nagsa-suffer siya, kasi hindi na siya makabangon. Ang mga aso, in general, people pleasers, itinatago nila 'yung pain nila sa humans nila,” saad niya.

Habang isinasagawa ang euthanasia kay Deedee, hawak at kalong-kalong siya ni Aldrin hanggang sa tumigil na ang tibok ng puso ng kaniyang alaga.

“Hindi na siya bumabangon [pero] gising siya, conscious. Nahihimas-himas pa namin. So habang ini-inject, siya naman, ini-stroke ko naman siya. Nagba-bye naman ako sa kaniya,” pag-alala niya tungkol sa pamamaalam niya kay Deedee.

Nagdadalamhati man sa pagpanaw ng kaniyang alaga, may ginhawa para kay Aldrin na hindi na niya makikitang naghihirap si Deedee sa kalagayan nito.

“Siyempre nalungkot ako. Pero relieved din ako para sa kaniya. Kinaya ko rin. Tanggap ko naman 'yun. Ang hirap naman 'yung pilitin or something,” sabi niya.

“Kasi ilang days or weeks na rin siyang nanghihina. Alam namin na matanda na talaga, 16 years old. Normally ang aso, [10 years old]. Siya 16, matandang matanda na siya,” dagdag ni Aldrin.

Mas ikinalungkot at ipinagluksa ng mga miyembro ng pamilya ni Aldrin ang pagkawala ni Deedee, dahil wala sila noon nang isagawa rito ang euthanasia.

“Kasi at least ako nakita ko 'yung last. Sila pag-uwi, wala na,” sabi ni Aldrin.

Ipinagdalamhati ng kaniyang pamilya ang pagkawala ni DeeDee sa pamamagitan ng pag-aalala nila ng mga magagandang pinagsamahan nila rito.

“Like any normal grieving person siguro, pinag-usapan siya. Yung memories niya,” sabi ni Aldrin.

Para kay Aldrin, mas makabubuti kung hindi na mahihirapan ang mga fur baby na matatanda na o may malubhang kalagayan dahil nagbigay sila ng pagmamahal at kasiyahan sa mga fur parent noong panahon na malakas pa sila.

“Una, helpless sila. Domesticated cats, domesticated dogs, other domesticated pets. Dependent sila sa atin, hindi naman nila kayang mabuhay mag-isa. And they try to give back. I don't know, not siguro in a conscious way. But at least sa mga mata natin, they try to give back. Mabait sa atin, nakikipaglaro, nagbabantay. At kung tumagal at tumanda nang ganu’n lagi ang ginagawa nila at nagkasakit, siguro, huwag na natin silang pahirapan,” sabi ni Aldrin.

Dagdag ni Aldrin, tiwala rin siya sa rekomendasyon ng mga beterinaryo pagdating sa “pagpapatulog” ng mga alagang hayop, dahil sila ang mas nakaaalam ng “makatao” na pamamaraan nito.

Matapos ang euthanasia, isinailalim sa cremation si Deedee. Para kay Aldrin, mas mabuti ito kaysa ibaon na lamang sa kung saan-saan ang alaga.

Para kay Aldrin, “makataong” paraan kung tama mang sabihin ang euthanasia o mercy killing para sa mga fur baby na nasa katulad na sitwasyon ni Deedee.

‘Natural death’

Si Martina Cortes, higit pa sa isang kaibigan ang turing kay D.O., isang Aspin na hinango niya ang pangalan sa Kpop group na EXO at kaniyang naging fur baby mula pa noong 2014.

May tatlo pang kapatid si D.O., ngunit ito lamang ang nakaligtas mula sa parvo virus.

Si D.O. ang nagsisilbing tagapagtanggol ni Martina. Nagagalit ito sa tuwing nakararamdam ng anumang panganib mula sa ibang tao, o kung may mga lalaking lumalapit kay Martina.

“Overprotective siya sa akin. Especially kasi tuwing natutulog ako, mas du’n siya alert. 'Yun 'yung isa sa pinaka-role niya na hindi ko naman hininingi pero kusa niyang binigay. Protector or talagang siya ang guard dog ko,” sabi niya.

Laging ring kasa-kasama ni Martina si D.O. sa mga gawaing-bahay, at palagi itong nasa kama niya. Kahit na introverted at sensitibo siya, naiintindihan daw ni D.O. ang mga nararamdaman niya.

“Siguro 'yung pinaka naaalala ko talaga every time sa kaniya, 'yung kapag malungkot ako, naiintindihan ka niya. As in 'yung lalapitan ka niya, tapos magpapa-pet siya. Uupo siya sa lap mo, tapos as if naging crying shoulder ko siya dahil doon,” pag-alala niya.

“Sa kaniya ko unang na-experience na kahit walang words na lumalabas sa’yo, maintindihan agad niya kung ano 'yung emotion mo of the day, kung ano 'yung mood mo sa araw na 'yun,” dagdag pa ni Martina.

Panahon ng COVID-19 noong Agosto 2021 nang dumating ang hindi inaasahan ni Martina. Pinuntahan siya ng kaniyang kapatid sa kaniyang opisina dahil sa isang emergency.

“Bigla na lang daw nanghina 'yung legs niya, natumba. So kinabahan ako, umuwi ako agad. Tapos check ko siya, nag-start na siyang manghina,” kuwento niya tungkol kay D.O.

Naisip ni Martina na posibleng dahil ito sa parvo virus, ngunit kakaiba ang mga sintomas ni D.O.

“Lockdown ‘yun, sobrang higpit. Hindi ka basta-basta puwede makalabas or hindi lahat ng veterinary clinic ay available. So pinunta ko siya sa neighbor vet lang namin. And doon sinabi niya 'yung symptoms ni D.O. is canine distemper siya,” kuwento niya.

Ayon sa tumingin na beterinaryo, matagal nang umiikot sa mga aso ang canine distemper, na isang fatal virus o nakamamatay na sakit.

“Noong marinig ko 'yun. Sobrang hindi ko alam kung na-lose hope na ako, pero siyempre gusto ko siyang ilaban,” sabi ni Martina.

Gayunman, hindi gumagamot ang naturang klinika ng canine distemper kaya humanap siya ng klinikang tumitingin ng mga asong may ganitong sakit. Ngunit malayo ito mula sa tirahan nina Martina at naghigpit ang kanilang mga patakaran dahil sa COVID-19.

“Bawal pumasok sa loob kasi nga sobrang strict nila du’n sa COVID-19 na policies, guidelines. Tapos i-update ka lang nila every time sa Viber. So 'yun pa lang, hindi ko matanggap,” sabi ni Martina.

Sa umpisa pa lamang, nilinaw na ni Martina sa beterinaryo na hindi niya kinokonsidera ang euthanasia o mercy killing para sa kaniyang alaga kahit nanghihina na ito.

“Tapos nakikita ko si D.O. na pahina na siya nang pahina. Tapos sinabi rin sa akin ng veterinary doctor na una kong nakausap na mababa 'yung chance, kasi nga fatal talaga 'yun. Tapos medyo malala na. So tinapat na rin niya ako na mas okay din talaga na iuwi ko na lang si D.O.,” ani Martina.

“So 'yun din naman for me ang pagkakaintindi ko sa gusto ni D.O. Kasi pagkadating na pagkadating pa lang namin sa clinic halos hindi na siya makagalaw. Alam niyang wala siya sa bahay namin and strange nu’ng stranger na nasa paligid niya na ayaw niya 'yun as a house dog na talaga na sobrang introvert. Sobrang bago sa kaniya 'yun,” dagdag niya.

Agad naunawaan ni Martina ang takot ni D.O. at ang gusto nitong iparating sa kaniya.

“Nanginginig siya and ‘di ko makalimutan 'yung mata niya that time na para siyang nakikiusap na ‘Let's go home, huwag niyo akong iwan dito,’” ani Martia.

Dahil dito, nagdesisyon si Martina na isailalim na lamang sa home medication si D.O., hindi man para magamot ang canine distemper nito, kundi para maibsan ang sakit na nararamdaman ng aso.

“'Yung buong process na 'yun kasama ko siya, halos hindi ako makapag-work. Du’n ko unang na-experience 'yung wala talagang tulog at all kasi kailangan ko siyang i-monitor, painumin ng gamot. Tapos 'yun nga since aggressive siya kahit mahina na siya, matapang pa rin siya since 'yun nga may nararamdaman kasi. So kahit makagat niya ako wala na akong pakialam, mainom niya lang ito (gamot),” kuwento ni Martina.

Noong gabi ng mga huling sandali ni D.O., nananakit na ang mga binti nito at nanginginig. Ngunit madaling araw bago ito pumanaw, naging parehong kalmado sina Martina at D.O.

“Naging kalmado siya. Then for some reason naging kalmado [rin] ako, nakatulog ako. Then inisip ko, 'yun na pala 'yun, pinrepare (prepare) na niya ako. Nagising ako 1 or 2 a.m, hindi na siya okay. Sobrang iba na 'yung kulay niya. So siyempre as naka-experience na ako before na namatayan na rin ako ng aso, alam na alam ko na 'yun na 'yon. And sobrang nakatitig na lang siya sa akin. Pinagmamasdan niya na lang 'yung mukha ko,” pag-alaala ni Martina.

Dito na ginising ni Martina ang mga miyembro ng kaniyang pamilya para makapagpaalam na rin si D.O. sa kanila.

“Para talaga siyang tao for me kasi nagpaalam siya sa bawat family member kasi tinitigan niya isa-isa… Tapos ‘yun, ako 'yung last na tiningnan niya. Tapos doon na siya totally, 'yung last breath niya doon 'yun na tapos wala na,” ani Martina.

“Hindi ko alam, tinry (try) kong i-ready 'yung sarili ko pero hindi pala talaga,” sabi Martina, na nag-breakdown nang mamaalam ang mahal niyang alaga.

Para kay Martina, nanatili sa kaniya ang pag-asa na mabubuhay pa si D.O. sa kabila ng maliit na tiyansa, kaya hindi niya naikonsidera ang euthanasia.

“Since kahit papaano umasa pa rin po ako na maka-survive siya kahit super baba ng chance, kumapit pa rin ako sa chance na ‘yun and I prefer natural death,” sabi niya.

Ang natutunan ni Martina mula sa kaniyang karanasan: “You never heal from this kind of pain pala talaga. But you just have to keep going. Masakit pa rin siya, but at least you're doing fine. Tapos even nagkaroon na ako ng new dogs, each dogs are unique. So iba-iba pa rin 'yung experiences and relationship mo with each of them. Pero 'yung fear of losing them talaga pala palala siya nang palala. As you grow older and 'pag na-experience mo na siya for several times. So you'll never get used to it.”

Bukod dito, natuto rin si Martina na maging mas responsable, sundin ang pagbabakuna ng mga aso, at sulitin ang pakikipag-bonding dahil maikli lamang ang buhay nila. (PART 2: Euthanasia o 'natural death,' anong pipiliin kung may malubhang sakit na ang mahal na fur baby?)  – FRJ GMA Integrated News