Aminado si Kuya Kim Atienza na tinanong niya ang Diyos nang una niyang malaman ang malungkot na balita sa sinapit ng kaniyang bunsong anak na si Emman. Gayunman, kahit masakit sa kalooban ay tinatanggap niya ang nangyari dahil naniniwala siyang mayroong dahilan ang lahat.

“Nanlambot ako, nanlamig ako, and nasa utak ko, ‘Lord, dasal ko sa’yo ito araw-araw [na ingatan si Emman], why?,” sabi ni Kuya Kim sa panayam ni Jessica Soho sa “Kapuso Mo, Jessica Soho” episode nitong Linggo.  

Ayon kay Kuya Kim, dalawang araw bago ang pagpanaw ng anak, alam na nila na mayroong problema kaya pilit nila itong kinokontak sa cellphone pero hindi sumasagot.

Hanggang sa matanggap niya ang tawag mula sa kaniyang asawa na nasa Florida, USA, at ipinaalam na sa kaniya ang malungkot na balita.

Para kay Kuya Kim, nais niyang isipin na may dahilan ang pagpanaw ng kaniyang 19-anyos na anak.

"I know that nothing happens [by] accident, and I know that all things work out well. Everything is planned by the Lord," saad niya.

"This is not in vain," dagdag niya. "May dahilan. That gives me peace."

Ibinahagi rin ni Kuya Kim ang matagal na pakikibaka ni Emman tungkol sa mental health. Dati nang na-diagnose ang dalaga ng Post-Traumatic Stress Disorder (PTSD) at Bipolar Disorder. Naitatago umano ni Emman ang kaniyang pinagdadaanan sa likod ng pagiging matatag at masayahing nilalang.

"I raise a very strong kids. Even Emman, I thought, was very strong," ayon kay Kuya Kim. "But I didn't know that deep inside she was also suffering kasi she put up a very strong front, a very happy front."

"Despite her pain, nagkukuwento siya, e. And that's a sign na OK ka. So, we felt she was OK kasi ang advocacy niya mental health, ang advocacy niya huwag made-depress. 'Yun pala, she was suffering," patuloy niya.

'A little kindness'

Ipinagmamalaki ni Kuya Kim ang pamana ni Emman na hanggang ngayon ay nagbibigay-inspirasyon sa marami na: “A little kindness.”

"That's her life. She was a little kind every day," ani Kuya Kim. "If I'm a little kind today, Emman is alive in my heart. That gives me comfort."

“Nagugulat ako, even Americans, even people from out of the country are making comments about Emman and how she's touched their life," patuloy niya.

Ikinuwento rin ni Kuya Kim ang kabaitan ni Emman maging sa kanilang mga kasambahay, at pagiging simple nitong tao na mahilig mamili ng gamit sa ukay-ukay.

Kahit mayroon silang mga sasakyan, mas gusto umano ni Emman na sumakay sa motorcycle taxi.

Binanggit din ni Kuya Kim ang paboritong kasabihan ni Emman mula kay Friedrich Nietzsche na:"And those who were seen dancing were thought to be insane by those who couldn't hear the music."

"Emman heard this music that only she could hear," aniya. "And she found it beautiful. And she was dancing to it. And she was inspiring people on social media."

Sinabi ni Kuya Kim na sa ngayon, nais na lamang niyang alalahanin ang magagandang alaala ni Emman at hindi ang paraan ng kaniyang pagpanaw.

"I want to think of just the beautiful things. I want to think of how beautiful my daughter was, how smart she was," sabi ni Kuya Kim.

"Itong mga grim details, binibigay ko kay Lord 'yan," dagdag niya. "So, what's left in my memory is the beauty, and the advocacy, and the fire, and the passion."

Nagpasalamat si Kuya Kim sa "19 beautiful years" ni Emman.

"In those 19 years, ang dami, ang dami na-inspire ng anak ko," saad niya.

Oktubre 24 nang isapubliko nina Kuya Kim at kabiyak niyang si Felicia ang pagpanaw ni Emman.

Idaraos ang burol ni Emman sa November 3 at 4, mula 12 p.m. hanggang 10 p.m., sa Chapel 5 sa The Heritage Memorial Park sa Taguig City.

Kung ikaw o may kakilala na nangangailangan ng tulong o konsultasyon ukol sa mental health, maaari kang makipag-ugnayan sa mga sumusunod na hotline:

NATIONAL CENTER FOR MENTAL HEALTH (NCMH) CRISIS HOTLINE

0919-057-1553

0917-899-8727

HOPELINE PHILIPPINES (NATASHA GOULBOURN FOUNDATION)

02-8804-4673

0917-558-4673

0918-873-4673

0919-056-0709

0917-800-1123

0922-893-8944

TAWAG PAGLAUM - CENTRO BISAYA

0966-467-9626

0939-936-5433

0939-937-5433

IN TOUCH: CRISIS LINE

0919-056-0709

0917-800-1123

0922-893-8944

—mula sa ulat ni Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News