Kalunos-lunos ang sinapit ng isang buntis na aso na hinihinala ng kaniyang amo na sadyang sinasagasaan ng isang van sa San Mateo, Rizal. Himalang nakaligtas ang aso pero lumuwa isa niyang mata kaya kinailangan siyang operahan.
Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News Saksi nitong Lunes, sinabing nangyari ang nahuli-cam na insidente noong November 1, at walang tao sa bahay ng kaniyang amo.
Sa CCTV footage, makikita ang aso na nakahiga sa daan habang nagmamaniobra ang isang van sa barangay Sta Ana. Nang makabuwelo na ang sasakyan, dumiretso ito at nasagasaan sa ulo ang aso na dahilan para mangisay.
Gayunman, huminto pa ang van at umatras, at saka muling umabante. Saglit pang tumigil ang van na tila tiningnan pa ng driver ang aso bago tuluyang umalis.
Ayon sa may-ari ng aso na si Bea Cabariban, walang tao sa kanilang bahay noon at hindi nila namalayan na nakalabas ang aso na pitong-taong-gulang na.
BASAHIN: Euthanasia o 'natural death,' anong pipiliin kung may malubhang sakit na ang mahal na fur baby?
Nabuhay ang aso sa kabila nang nangyari pero lumuwa ang isa niyang mata na kinailangan nang operahan at tanggalin para hindi maimpeksyon.
Buntis din ang aso na mabuting hindi rin naapektuhan ang kaniyang maselang kalagayan.
Naniniwala si Bea na sinadya ng driven ng van na sagasaan ang kaniyang aso.
Nag-report na sa pulisya si Bea at nakikipag-ugnayan din sa Land Transportation Office (LTO) para matukoy sino ang driver ng van, na nakuha nila ang plate number.
Ayon sa Animal Kingdom Foundation, kapag napatunayan na sinadyang sagasaan ng driver ang aso, mabigat ang kakaharapin nitong kaso sa ilalim ng Animal Welfare Act.
Sinabi rin ni Atty. Heidi Marquez, program director ng AKF, puwede ring ireklamo sa LTO ang driver at maaaring magpataw ng parusa ang ahensiya laban sa driver gaya ng pagtanggal sa lisensiya nito sa pagmamaneho.—FRJ GMA Integrated News
