Masusing binabantayan ng PAGASA ang paparating na bagyo na tinutumbok ang Luzon. May posibilidad itong maging super typhoon at tatawaging “Uwan,” kapag pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
“Kung makikita natin sa ating latest forecast, ay either abutin ni potential Uwan ‘yung pinaka-highest sa intensity ng typhoon,” sabi ni Chris Perez, Assistant Weather Services Chief ng PAGASA sa panayam sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes.
“Hindi natin isinasantabi ang posibilidad na puwede pa itong maging Super Typhoon bago [posibleng] mag-landfall dito sa Isabela-Aurora area,” dagdag ni Perez.
Ayon kay Perez, inaasahang papasok ng PAR ang paparating na bagyo sa pagitan ng Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng umaga. Tatawagin itong Uwan na bagaman malayo pa sa bansa ay naging isa nang tropical storm.
Kaya naman maaaga umanong magpapalabas ng Tropical Cyclone bulletin at magdeklara ng mga Wind Signal ang ahensiya bago pa man pumasok ng PAR si Uwan para bigyang-babala na ang mga tao, lalo sa Luzon area.
Inaasahan ang mga lugar na pinakamalapit sa sentro ng bagyo nang mas malakas na pag-ulan o 200 millimeters o higit pa ng ulan.
Malaki rin umano ang lugar na sasakupin ng epekto ng paparating na bagyo na aabot sa Metro Manila at ilang lugar sa Visayas.
“Sa ating pagtaya, ang lawak nitong bagyong si Uwan ay umaabot ng around more than 500 kilometers mula sa sentro nito. Kaya 'yung tinatayang sentro nito kahit tumama sa may bandang northern Luzon, asahan natin na may epekto pa rin sa weather ng Central Luzon, Southern Luzon, even Metro Manila at sa ilang bahagi nga ng Visayas nga 'yung darating na weekend,” sabi ni Perez.
“Sa ngayon 'yung initial estimate po natin, posibleng umabot ng more than 200 millimeters of rain ang dalang ulan nito. Lalong-lalo sa mga lugar na posibleng nasa direct path ng sentro nito,” dagdag niya.
Posible itong magdulot ng mga pagbaha at pagbuhos ng lupa sa ilang bahagi ng Luzon.
Inaasahan namang nasa 100 to 200 millimeters ng ulan ang mga malayo sa sentro sa mga darating na araw.
Ayon kay Perez, posibleng maramdaman ang epekto ni Uwan sa Lunes o sa Martes sa susunod na Linggo.
Samantala, nasa labas na ng PAR ang Bagyong Tino na nagdulot ng pinsala at mga pagkasawi sa Visayas.
Patuloy ang monitoring at pakikipag-ugnayan ng PAGASA sa iba pang ahensiya ng gobyerno para sa Disaster Preparedness and Mitigation. – FRJ GMA Integrated News
