Nahuli-cam sa Margaret River sa Australia na biglang nawala sa ibabaw ng dagat ang isang 61-anyos na lalaking windsurfer, at nasundan ng marahas na galaw ng tubig. Ang lalaki, inatake na pala ng pating. Nakaligtas kaya siya? Alamin.
Sa isang footage mula sa swellnet.com, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, makikita na mapayapa pang naglalayag sa ibabaw ng dagat windsurfer. Ngunit ilang saglit lang, bigla siyang nawala at nasundan ng marahas na paggalaw ng tubig bago muling kumalma.
Nang sandaling iyon, nakipag-wrestling na pala sa pating si Andy McDonald, na milagrong nakaligtas sa engkuwentro.
“Everything was really nice and then just out of the blue, bang! Something so hard and strong hit me like a freight train. It just pushed me up into the air and then I fell into the water. I knew it was a shark,” sabi ni McDonald.
Ayon sa kaniya, akala niyang katapusan na ng kaniyang buhay. Gayunman, ginawa niya ang lahat para lumaban sa pating.
“The shark must have dived because everything went underwater, myself and all my gear. And at that point, I was like punching it and wrestling with it, pretty much just trying to get away from it, kicking it. And just trying to hope that none of my limbs were near its mouth, which I had no idea where it was,” ani McDonald.
Tinatayang nasa tatlong metro ang haba ng sumalakay na pating.
Sa huli, nakagat lamang ng pating ang windsurfing board ni McDonald.
Sinagip si McDonald ng kaniyang kaibigan at 15 minuto silang nag-paddle papunta sa pampang habang nagdarasal na hindi sila hahabuling muli ng pating.
Naglabas naman ng shark warning ang mga awtoridad matapos ang insidente sa Margaret River.
“I ordered a new board this afternoon. I’ve got another board. I’ll go back in the water, I’ll go back out tomorrow,” sabi ng senior citizen. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
