Patok sa Tanauan City, Batangas ang dinarayong “goto Batangas,” na tinatawag ding kulawo o sari-saring pinalambot lamang-loob ng baka na may sabaw, na walang pinipiling panahon.
Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, itinampok ang Vina’s Kulawo ng 69-anyos na si Vina Lumbres, na halos anim na dekada nang naghahain ng kulawo na may overload version pa.
Patong-patong sa mangkok ang iba’t ibang parte ng baka sa kainan ni Nanay Vina-- mula bituka tiyan dila laman sitsarong bulaklak o taba at balat—na bubuhusan na lang mainit na sabaw.
Regular serving lang dati ang mayroon sa kainan ni Nanay Vina, pero dahil na rin sa hiling ng kaniyang mga suki, nag-alok na rin sila ng overload kulawo. Dahil dito, mas lumaki pa ang kanilang kita.
Umaabot umano sa mahigit sa 100 kilo ang nauubos nilang karne sa isang araw. Available ang kanilang kulawa ng 24 oras.
Dalawang malalaking kaldero ang ginagamit nila sa pagluluto ng kulawo. Pakukulaan muna sa tubig ng ilang minuto ang lamang-loob ng baka sa unang kaldero.
Matapos bahagyang pakuluan ang mga lamang-loob, isasalin na ito sa ikalawang kaldero at titimplahan ng sabaw na nilalagyan din ng atsuete.
Bukod sa tumpok ng lamang-loob ng baka, unli-refill din ang sabaw ng kulawo. Kaya naman busog-lusog ang hihirit ng overload kulawo sa halagang P100. Habang mabibili naman ng P60 ang kada order ang regular kulawo.
Kuwento ni Nanay Vina, sa tindahan din ng kulawo nagtrabaho noon ang kaniyang ama. Edad na 15, nagsimula siyang magtrabaho bilang tagahugas ng mga pinggan.
Taong 1971 nang maisipan na ng kaniyang tatay na magbukas na ng sariling tindahan ng kulawo.
Sa halagang P100 na naipon, umarangkada na ang Vina’s Kulawo na nagsimula lang sa isang kariton.
“Aking bubong ay ano lang, sako. Gano'n ang pagtitinda ko noon. ‘Yung tatay ko ang tagaluto, magdamag. Pupunta kami dito ng madaling araw, tulak ng tatay ko ang kariton. Tulak-tulak namin ‘yan buhat sa amin hanggang ditto,” balik-tanaw ni Nanay Vina.
Nang makaipon si Nanay Vina, nagbukas na siya ng permanenteng puwesto. Kasa-kasama niya ngayon ang pamilya niya sa pagpapatakbo ng negosyong kulawo.
Overload din ang kita ng kaniyang kulawo na umaabot umano ng six digits kada buwan.
Nakapagpundar na sila ng kotse, mga tricycle at motor at nakapagpagawa na rin si Nanay Vina ng bahay at nakabili pa ng mga lote.
“Talagang kilala pa ako ng mga suki ko. Sabi nga nila, may apo na sila, dini pa rin nakain. Kaya halos lahat nakikilala ako buhat ng mga suki,” sabi niya.
Hindi nagbabago ang timpla ni Nanay Vina, na sikreto sa kaniyang higit limang dekadang negosyo.
“‘Yun na naman ang hinahanap nila. Kahit sila tumikim sa iba, bumabalik at bumabalik pa rin sa amin,” saad niya.
At ang payo niya sa pagpasok sa negosyon, “Tiyaga lang talaga sa negosyo. Konting tipid. Kailangan lagi kang may ipong pampunan para negosyo mo hindi maputol.” – FRJ GMA Integrated News
