Inilahad ni Eman Bacosa Pacquiao, anak ni Manny Pacquiao, na crush niya ang Kapuso star na si Jillian Ward.
Sa pagsabak ni Eman sa Fast Talk segment ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, tinanong siya ni Tito Boy kung sino ang crush niyang artistang Pinay.
“Jillian Ward,” walang pag-alinlangang tugon ni Eman.
Tinanong si Eman na mula 1 to 10, gaano niya kagustong ligawan ang aktres? Tugon niya, "Five.”
Hiningian din ni Tito Boy si Eman ng mensahe niya para kay Jillian.
“Hi po! Sana magkita po tayo soon,” anang boksingero.
Inusisa rin ni Tito Boy si Eman, edad 21 ngayon, tungkol sa kaniyang lovelife.
“Tatlo po. Not including the flings,” tila nahihiyang pag-amin ni Eman sa bilang ng kaniyang naging kasintahan.
Hindi pa raw naba-basted si Eman, at mas gusto niya na siya ang nanliligaw sa babae.
Lumalayo raw siya kapag nagpaparamdam ang babae sa kaniya.
Kamakailan lang, may mga ulat na lumalabas sa social media na pumirma na siya ng kontrata sa Sparkle GMA Artist Center. Pero nang tanungin si Eman tungkol dito, nakangiting tugon ng binate, "Secret."
Kamakailan lang, ibinahagi ni Eman ang kaniyang labis na tuwa nang kilalanin na siya bilang anak ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao, at ipagamit ang apelyido nito upang makatulong sa hangarin ng binata na pasukin din ang mundo ng boksing.
Isinilang si Eman (isinunod sa pangalan ni Manny na Emmanuel) noong 2004. Ina ni Eman si Joanna Rose Bacosa, na waitress noon nang makikilala ni Manny.-- FRJ GMA Integrated News
