Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang dating nobyo ng freelance model at content creator na si Gina Lima, na ideklarang dead on arrival sa ospital matapos isugod doon ng lalaki. Sinisilip naman ng pulisya ang posibilidad na may kinalaman ang ilegal na droga sa nangyari sa babae.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na magkasama umano ang dalawa at nag-inuman bago nangyari ang insidente.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), unang nag-inuman ang dalawa sa condo ng babae noong Nobyembre 15. Kinabukasan ng Nov. 16, nagpunta naman ang dalawa sa bahay ng lalaki sa Quezon City at natulog.
Pero nang magising umano ang lalaki kinagabihan at ginigising si Lima, hindi na umano tumutugon ang modelo, ayon kay Police Lieutenant Colonel Edison Ouano ng CIDU.
Tumawag umano ang lalaki sa ama nito at dinala nila sa ospital si Lima ngunit idineklarang dead on arrival.
Sa inisyal na ulat, cardio respiratory distress ang sanhi ng pagkamatay ng babae.
Kumalat naman kamakailan sa social media ang alegasyong binugbog umano ng ex-boyfriend si Lima kaya nasawi.
“Initial findings, walang komosyon na nangyari doon [sa bahay ng lalaki], organized yung kuwarto,” ani Quano. “May kaunting pasa sa legs [ng babae] pero mga tuldok-tuldok lang.”
Idinagdag ng opisyal na sinuri din ang leeg at mukha ni Lima kung may indikasyon na sinakal o pinigilang huminga ngunit wala rin umanong nakitang indikasyon.
Ang mga sugat naman na tinamo ng lalaki ay dulot umano ng komosyon na nangyari sa ospital matapos na sumugod doon ang mga kaibigan ni Lima.
Tinitingnan ng mga awtoridad kung may kinalaman ang ilegal na droga sa pangyayari dahil may nakita umanong mga tableta at “kush,” na hinihintay pa ang resulta ng laboratory exam.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang ama ng lalaki pero tiwala siyang mapapatunayan na walang kasalanan ang anak niya sa pagpanaw ni Lima.
Hindi rin nagbigay ng pahayag sa media ang mga kaanak ni Lima.
Hinihintay pa ang resulta ng awtopsiya sa mga labi ni Lima para malaman ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.—FRJ GMA Integrated News
