Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa mga driver at operators ng mga public utility vehicles (PUVs) na hindi ipinatutupad o hindi nagbibigay ng 20% student discount kapag weekends o holidays.
Ginawa ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pahayag kasunod ng natanggap na mga reklamo na may mga PUV na hindi ibinibigay ang naturang discount sa mga estudyante kapag may long weekends at kanselado ang pasok.
“The law is very clear about this. There must be a discount to students even during holidays for as long as they are enrolled,” ani Mendoza sa pahayag.
Nakasaad sa Section 4 ng Republic Act 11314, o An Act Institutionalizing the Grant of Student Fare Discount Privileges on Public Transportation na, “The fare discount granted under this Act shall be available during the entire period while the student is enrolled, including weekends and holidays.”
“So we are reminding the operators and drivers again to strictly follow the law. Kung wala man kayong anak o kamag-anak na estudyante, lahat tayo dumaan sa buhay estudyante,” paalala ni Mendoza.
“Kaya umayos kayo dahil kung hindi, ako mismo ang aayos ng mga kaso laban sa inyo para hindi lang kayo magmulta kung hindi mawalan kayo ng prangkisa,” babala niya.
Sa ilalim ng batas, ang mga driver na PUVs na hindi susunod sa itinatakda nito ay maaaring masuspinde ang driver’s license ng hanggang tatlong buwan, at multa ng P1,000 sa bawat paglabag.
Ang mga operator naman ay maaaring magmulta ng hanggang P15,000 at pagbasura sa kanilang Certificate of Public Convenience.
Sinabi rin ni Mendoza na dapat ibigay din ng mga driver at operators ng PUVs ang mga discount para sa mga senior citizen at persons with disabilities.
Hinikayat niya ang mga may reklamo na tumawag sa LTFRB Hotline 0956-761-0739, o magpadala ng mensahe sa LTFRB social media accounts. – FRJ GMA Integrated News

