Isa ang Bulacan sa mga lalawigan na binubuhusan ng malaking pondo para sa flood control projects sa bansa. Pero sa kabila nito, isang barangay sa Calumpit na dating may malawak na sakahan at naglalakihang bahay ang tuluyan nang nalubog sa baha. Kaya ang mga residente, kinailangang matutong magbangka para makasabay sa pagbabago ng kanilang buhay.

Sa bahagi ng GMA Public Affairs documentary special na “Broken Roads, Broken Promises,” pinuntahan ng host nito na si Dingdong Dantes, ang Sitio Nabong sa Barangay Meysulao.

Ang dating malawak na sakahan, nagmistulang dagat na dahil sa baha na hindi na nawawala.

Makikita pa ang palatandaan ng dating kalsada sa lugar dahil naman sa ilang poste na halos kalahati na lang ang nakalitaw sa tubig. May kotse pang nakita nakalubog din sa baha.

Dahil maraming bahay ang inabandona na, mistula na itong ghost town.

Ang mga puno sa lugar, tila patay na rin.

“Wala po, hindi po bumababa,” sabi ng isang babaeng residente tungkol sa baha sa kanilang lugar.

Dahil dito, nagsibilihan na rin ng kani-kaniyang mga bangka ang mga residente.

“Kawawa ka rito kapag wala kang bangka,” sabi ng bangkerong si Christian Balagtas.

“Palayan ito boss. Tapos bigla na lang tumaas ‘yung tubig. Tapos nitong huli, biglaan na ‘yung tubig. Mga 20 taon na siguro,” sabi pa ni Christian.

Ang 75-taong-gulang na si Evelyn Manansala, na matagal nang nakatira sa Calumpit, lubog at halos hindi na makita ang unang palapag ng bahay dahil sa taas ng tubig.

“Ang first floor po, lubog ang tao. Ang second floor po, dati po hanggang puwit. Ngayon po hanggang tuhod. Hindi po siya bumababa. Minsan po, bababa ng isang dangkal, lalaki naman po ng kinabukasan. Kaya, hindi po kami nawawalan ng tubig,” sabi ni Nanay Evelyn.

“Hindi naman po bumabaha dito dati. Nag-umpisa lang pong bumaha pero nawawala. Ibig sabihin nakakapagtanim pa po ng mga halaman,” ayon pa kay Nanay Evelyn tungkol sa Calumpit.

Kaniyang pagbalik-tanaw, puro mga palay, punong kahoy, mangga, santol, at iba pa ang mga prutas ang kanilang lugar noon.

“Noon, nakakadaan dito, may kalsada rito, may kalsada diyan. ‘Yung mga kalsada noon, hindi lumulubog. Eh ngayon, lubog lahat,” kuwento pa niya.

Ang mga walang malilipatan, nagtitiyaga na mamuhay sab aha.

Ayon kay Nanay Evelyn, naghahanap sila noon ng mauupahang bahay sa may itaas ng dike, ngunit wala nang bakante.

Ikinuwento niya nang minsang malagay sa alanganin ang buhay niya dahil sa baha.

“Mahirap po, lalo na po ‘pag gabi na. Mahirap. Hindi po kayo naniniwala, minsan natutulog ako, lumapag ako sa tubig. Akala ko nananaginip lang ako. Noong pong masisid ‘yung mukha ko sa tubig, nagising ako. Sabi ko doon sa anak ko, ‘Huwag mo akong patutulugin dito, baka managinip ulit ako, malunod na ako,” saad niya.

Tunghayan ang iba pang kuwento ng pangakong napako tungkol sa mga proyekto ng gobyerno sa video na ito ng “Broken Roads, Broken Promises.” Panoorin.

FRJ GMA Integrated News