Matapos ang trending ang karakter ni Michael V na si Ciala Dismaya sa “Bubble Gang,” may panibagong aabangan ang mga Kapuso sa darating na Linggo ng personalidad na maglalantad umano ng “katotohanan.”  

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabing magbabalik sa Bubble Gang si Rodfil Macasero, na kilala bilang bahagi ng viral duo na Moymoy Palaboy, para gampanan ang isang “misteryosong” karakter na ipinakita sa teaser ng gag show.

“Ako ay natutuwa kasi makakapag-perform ulit ako sa Bubble Gang, sobrang namiss ko sila,” sabi ni Rodfil.

“Sa aking pagbabalik nakita ko mga bago, siyempre nandun pa rin mga luma at ayun na nga. Nakakatuwa at excited din ako sa magiging reaksyon natin dun sa video. Masaya lang siya guys kaya watch for it," patuloy niya.

May kinalaman pa rin ang karakter na gagampanan ni Rodfil tungkol sa kontrobersiyal na flood control projects.

Mapapanood ang pasabog na pagbabalik ni Rodfil sa “Bubble Gang” sa darating na Linggo, sa ganap na 6:10 p.m. sa GMA.—FRJ GMA Integrated News