Isang lola ang nagawa raw maka-order online ng pera o cash na nagkakahalaga ng P10,000, na “nabili” lang niya sa halagang P599. Ang delivery rider, natunugan na na-scam ang lola.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video ng delivery rider at vlogger na si John Chris Talantad, habang kausap ang kostumer niyang lola na naghahanap ng inorder umano nitong pera.

Ayon kay Talantad, wallet ang laman ng parcel na ide-deliver sana niya sa lola pero walang laman na pera.

Dito na niya sinabihan ang lola na walang ino-order na pera sa online.

“Ang pera, hindi binibili. Pinagtatrabahuhan," sabi pa niya. Pinayuhan din niya ang lola na huwag basta nagpipindot ng mga nakikita online.

“Tinanong pa niya ako, ‘Sir, ano ‘yan, nagde-deliver ba ng parcel yan? Sabi ko, ‘Opo, sino po bang hanap niyo Nay?’ Ano yung kay Luisa, P10,000 daw yung laman,” kuwento ni Talantad.

Batay sa post niya, may mga nagkomento na may ibang matanda rin ang nabiktima ng naturang modus.

Sabi pa ni Talantad, may kasamahan din siya sa trabaho na nakaranas ng katulad na insidente na muntik pa raw ipa-barangay dahil inakalang kinuha nito ang pera na “nabili” ng kostumer.

Ang ibang netizens, nagsabing baka play money ang na-order ng lola online na tinatawag na “flex money.” Pekeng pera ito na ginagamit bilang props.

Pero ipinagbabawal sa batas ang paggawa, pagbili, at paggamit ng pekeng pera na may mabigat na parusa.

Kaya naman si Talantad, nagbabala na lang sa kaniyang vlog para sa publiko na mag-ingat laban sa mga scammer na katulad ng muntik makabiktima sa lola.

“Wala namang binibiling pera, pinagtatrabahuhan yon. Sa kagaya ko na rider, kapag may mga ganun, huwag niyo nang ipilit sa kostumer na kunin [ang bayad] kasi mahirap kumita ng pera,” saad niya.

Si Talantad, ipina-cancel ang sinasabing order ng lola para hindi niya na kunan ng bayad.

“Mabuti mabait siya kundi magbabayad siya ng P600,” ayon sa kasama ng lola.

Sabi naman ni Talantad, “Ngayon lang ako naka-encounter na ganyan yung o-order-in mo yung pera. Lakas mo Nay, sana all.” -- FRJ GMA Integrated News