Nang tumama ang Super Bagyong Yolanda, marami ang nawalan ng tirahan sa Visayas region. Ang mga biktima ng kalamidad, nabuhayan ng pag-asa nang mabalitaan nila ang gagawing pabahay para sa kanila. Gayunman, makalipas ng maraming taon, ang pabahay, hindi pa rin lubos na napakikinabangan at marami ang tinubuan na ng mga halaman at mga damo.
Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, sinabing P26.7 bilyon na inilaan sa proyektong pabahay sa ilalim ng Yolanda Permanent Housing Program (YPHP). Ang National Housing Authority (NHA) ang naatasang magpatupad ng naturang programa.
Isa sa mga benepisaryo ng programa ang Sagay, Negros Occidental, kung saan itinayo ang St. Vincent Village sa Barangay Vito, na may 1,000 housing units sa lawak na pitong hektaryang lupain.
Pero ayon sa KMJS, ang karamihan sa mga bahay, walang pinto at bintana, at tinubuan na ng mga halaman at damo ang paligid.
Simulang gawin ang housing unit noong 2016 at inabot umano ng apat na taon bago natapos. Taong 2021 naman ang i-turnover ang pabahay sa lokal na pamahalaan. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin pormal na naibibigay sa mga benepisasyo ang pabahay.
Ang residente na si Jessie na kabilang sa mga nawalan ng bahay nang manalasa si Yolanda, natuwa nang malaman ang tungkol sa housing project para sa katulad niyang nawalan ng tirahan.
Inasikaso raw niya ang mga kailangang dokumento at tumira sila sa isang unit kahit hindi pa ito ibinibigay sa kanila. Ayon kay Jessie, sinabihan sila noon ng NHA na hindi pa sila puwedeng manirahan doon dahil sa patuloy pang aayusin ang mga unit.
Ngunit ayon kay Jessie, dahil wala namang ginawa sa mga unit, bumalik sila sa lugar at doon nanirahan kahit pa maituturing ilegal ang pag-okupa nila sa unit.
“Ako lang kusa kasi wala na talaga kaming bahay. ‘Ah! Bahala na kung makulong,’” saad niya.
Hanggang ngayon, walang kuryente at tubig sa lugar. Kaya si Jessie, panay ang paypay at de-solar ang gamit na ilaw. Ang tubig, binibili niya, at ang iba naman ay iniipon ang tubig-ulan.
“Araw-gabi magpapaypay. Tiis-tiis nalang,” sabi ni Jessie.
Bukod kay Jessie, may 15 pang pamilya ang tumitira sa housing project nang walang pahintulot ng lokal na pamahalaan.
May iba naman na tumira sa tabi nito at nagtayo ng barung-barong gaya ni Mang Alfonso, na sinubukan ding tumira sa mismong housing unit pero pinaalis.
.“Pinalayas kami. Sabi ng mga tanod pusasan daw ako kung hindi ako aalis,” saad niya, na iginiit na dapat ipamigay sa mga walang bahay ang mga housing unit na katulad niya.
Ngunit bakit nga ba hindi pa rin napapakinabangan ang naturang mga pabahay gayung halos tapos na ang mga ito? Alamin ang paliwanag ng mga kinauukulang opisyal. Panoorin ang buong report sa video ng “KMJS.” -- FRJ GMA Integrated News
