DPWH, kukunin ang anak ng jeepney driver na nakapasa sa Civil Engineers Licensure exam

Kukunin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para magtrabaho sa kagawaran ang anak ng jeepney driver na nagpalibreng sakay matapos pumasa sa Civil Engineers Licensure exam ang kaniyang anak sa Davao City.

Sa ulat ng GTV News State of the Nation nitong Huwebes, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon, na nakausap na niya ang tsuper na si Edwin Recososa para sa hiring ng anak nitong si Dave.

Nagpalibreng sakay si Mang Edwin bilang pasasalamat niya sa naging tagumpay ng kaniyang anak.

Sinabi naman ni Dave na nagpasa na siya ng mga requirement sa DPWH-Davao at target na makapagsimula na siya sa trabaho sa susunod na buwan.

Noong Martes, naitampok sa SONA ang kuwento ng mag-ama.

Tumanggap din ng pagkilala at pagbati mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board- Region XI - Davao ang mag-ama. – FRJ GMA Integrated News