Isang lalaking snake hunter ang nahulog sa ilog matapos na mawalan siya ng balanse habang nakasakay sa bangka at dadakmain sana ang isang malaking sawa sa Borneo, Indonesia. Habang nasa tubig, pumulupot sa kaniya ang ahas. Makaligtas kaya siya? Alamin.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang video ng grupo ng mga snake hunter na sakay ng isang bangka at maingat na lumalapit sa kinaroroonan ng dambuhalang sawa na nakalubog sa tubig ang katawan.

Ang beteranong snake catcher na si Heru ang huhuli sa sawa pero nawalan siya ng balanse at nahulog sa tubig. Habang nasa tubig, biglang pumulupot sa kaniya ang sawa at mistulang hinihila pa siya pailalim ng tubig.

Pero dahil sanay ang grupo sa snake hunting, napagtulungan nilang alisin kay Haru ang nakapalupot na sawa, at namangha sila nang makita kung gaano ito kalaki o kahaba.

Ayon sa grupo, hindi naman nasaktan ang sawa, at maayos ding lagay si Haru.

Pinakawalan daw nila ang dambuhalang ahas matapos nila itong kunan ng litrato.

“This was one of the biggest and strongest pythons we have encountered. Our principle is not to harm living creatures. Photography is purely for scientific purposes,” sabi ni Mohamed Alisa, snake hunter.

Samantala, nahuli naman ang isang reticulated python na umabot sa 11 talampakan ang sukat sa masukal na lote sa gilid ng isang hotel sa Thailand.

Nagpatulong ang mga takot na residente matapos nilang mamataan ang ahas sa likod ng mga halaman.

Gayunman, marami ang nanlumo dahil sa nakita sa tiyan ng ahas, nang kainin pala nito ang alagang aso ng isang pamilya.

“While we were hauling away the snake, we saw it regurgitate its prey - a fairly large brown dog that had only been recently swallowed,” sabi ng firefighter na si Sorot Wongsri.

“This is the largest snake I've captured. With its size, it’s not surprising that it could kill a dog,” dagdag niya.

Tumulong ang 10 tao para mahuli ang ahas, bago ito isinilid sa sako at pinakawalan sa gubat na malayo sa mga kabahayan.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News