Viral ang nahuli-cam na video ng isang driver ng pickup truck na binatukan ang isang lalaki na nagtutulak ng kariton habang kasama ang umiiyak na anak. Ang driver na pinatawan ng Land Transportation Office (LTO) ng 90-day suspension sa kaniyang lisensiya, nagtungo sa himpilan ng pulisya para makipag-ayos sa lalaking sinaktan niya.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong Sabado ng gabi sa Barangay San Roque sa Antipolo, Rizal.
Sa video, minura, binatukan at pinagbantaan umano ng driver ang nagkakariton na nakilalang si Crispin Villamor.
Ayon kay Villamor, nakasalubong niya ang pickup sa kalsada at muntik nitong mabangga ang kaniyang batang anak. Naiiwas daw niya ang bata pero tinamaan ang kaniyang kariton.
Natulala na lang daw siya nang bigla siyang batukan ng driver at pinagbantaan pa.
“Parang hindi niya ako nakikita. Parang nung bumangga na yung sasakyan niya saka lang siya bumaba,” ani Villamor. “Sabi po niya papatayin daw niya po ako. Tapos babarilin.”
Nangyari ang insidente habang umiiyak ang kaniyang anak.
“Masakit po yung para sa akin kasi magulang po tayo. Kasi parang pinapakita natin sa mga tao na pinakita mo sa anak mo na ‘di mo siya pinagtanggol,” dagdag ni Villamor.
Inihayag ni Marygrace Aquilino, na kumuha ng video, naghintay sila ng kaniyang asawa nang hanggang umaga kung babalik ang driver para mag-sorry. Pero nang hindi ito bumalik, doon na sila nagpasyang i-upload ang video sa social media.
“Eh kung wala kami doon baka hindi lang batok ang inabot niya [Villamor]. Nakita lang niyang [driver] naka-camera ako kaya po ‘yon pumasok [ng pickup]. Pero nagbanta pa po yong pagpasok niya,” sabi ni Aquilino.
Sinabi naman ni Police Captain Arnoil Taga, Chief Investigator ng Antipolo PNP, sa ulat ng GMA News "Saksi," nagkaharap na sa himpilan ang driver ng pickup at si Villamor.
“Sabi niya ay nagkamali siya. Yun ang sinabi niya,” ani Taga, patungkol sa driver. “Inakala nung pickup na nasagi yung kaniyang sasakyan pero nung bumaba siya nakita niya walang tama so yung uminit ang ulo.”
Pumayag naman umano si Villamor na makipag-ayos matapos na magkaharap ang dalawa.
"Nagkausap naman sila kanina rito,nagkaharap sila. Ngayon yung biktima inin-courage namin na magsampa ng reklamo kung ano ang kaniyang desisyon. Kaya lang sabi niya hindi na para pahabain kundi tapusin na lang yung usapin," patuloy ni Taga.
Kaugnay nito, inihayag ng LTO na suspendido ng 90-araw ang lisensiya ng driver ng pickup habang iniimbestigahan ang insidente.
“The driver's license of the driver operating the subject motor vehicle shall be placed under ninety (90) day preventive suspension, which shall be surrendered immediately upon proper identification, pending investigation of this case,” nakasaad sa inilabas na show cause order ng LTO laban sa driver.
Dapat magtungo ang driver sa LTO office sa Quezon City sa Miyerkoles para magpaliwanag sa insidente.
“Failure to appear and submit the notarized comment/explanation as required shall be construed by this Office as a waiver of your right to be heard, and the case shall be decided based on the evidence at hand,” ayon sa LTO. — FRJ GMA Integrated News
