Natagpuang patay at nakalagay sa sako ng isang babaeng limang-taong-gulang na nahuli-cam na nangangaroling sa isang bahay sa Santo Tomas, Batangas. Ang isa sa dalawang suspek na nadakip, aminadong lango sila sa ilegal na droga at pinatay muna ang bata bago nila ginahasa.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, makikita sa CCTV footage ang biktima na nasa harap ng isang bahay at pinapasok ng isang lalaki noong Biyernes, December 19, 2025.

Sa naturang araw, nakita pa ang isa sa mga suspek sa hiwalay na CCTV footage na naglalakad at may hawak na sako.

Kinabukasan, Sabado, nadiskubre ang bangkay ng biktima na nakalagay sa sako at itinapon sa isang lugar.

“Kami po ay naka-receive ng isang ulat sa pagkakadiskubre ng isang katawan ng isang batang babae, kung saan ito na nga po yung napaulat na nawawala,” ayon kay Sto. Tomas Police chief P/Lt. Col. Marlon Cabataña.

Kaagad naaresto noong Sabado ang dalawang suspek na edad 22 at 33.

Ang 22-anyos na suspek umano ang nagpapasok sa biktima sa bahay. Inamin niya ang krimen at ang paggamit nila ng ilegal na droga.

“Gumamit, sir ng pinagbabawal na gamot….Dumating na ang punto na nandoon na sa taas yung bata, iba na yung takbo ng utak namin,” saad niya.

Aniya, patay na ang bata nang halayin nila.

“Napagplanuhan na po namin na ganito po ang gagawin…Hindi namin po makaya yung kuwan ng droga, hindi po namin kayang kontrolin. Kumbaga wala na po kami sa sarili,” patuloy ng suspek. 

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang isa pang suspek.

Nakita ng mga awtoridad ang ilang sachets ng shabu at ang tsinelas ng biktima na itinago sa dingding ng bahay.

Labis naman ang hinagpis ng lolo ng biktima sa sinapit ng kaniyang apo.

“Mahal na mahal mong apo ay ganyan ang sasapitin, kaya di ko masabi ang sakit na nararamdaman ko. Hindi ako titigil hangga’t hindi ko makukuha ang katarungan niya,” saad niya.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong isasampa laban sa mga suspek. Nagpaalala rin ang mga awtoridad sa mga magulang na huwag pabayaan ang mga anak na nangangaroling ngayong kapaskuhan. – FRJ GMA Integrated News