Bilang bahagi ng “closure” sa hiwalayan nila ng dating asawa na si Gerald Sibayan at makatulong cancer patients, ibinenta ni AiAi Delas Alas kay Boss Toyo ang kaniyang wedding at engagement rings. Magkano kaya ang naging halaga ng mga singsing? Alamin.
Nang magtungo ang Kapuso Comedy Queen sa “Pinoy Pawnstars” ni Boss Toyo, sinabi ng aktres na bahagi rin ng “closure" para sa kaniya ang pagbebenta ng mga singsing.
Ayon kay AiAi, tatlong beses na nawala ang kaniyang diamond-crusted wedding ring, at pinapalitan naman daw ito ni Gerald.
“I think ‘yun ay sign," saad ng komedyante patungkol sa nauwing hiwalayan nilang mag-asawa.
Ayon kay AiAi, ido-donate niya sa organisasyon na Life Saver na tumutulong sa mga cancer patient ang mapagbebentahan niya ng mga singsing.
“Bukod sa ayoko na rin maalala, para may closure na rin. And maganda ‘yung closure kasi may pupuntahan siyang maganda,” dagdag niya.
Bagaman naging mapait ang kanilang paghihiwalay, sinabi ni AiAi na may mga magandang alaala naman sa kanilang naging pagsasama ni Gerald.
“Ayoko naman maging bitter kasi siyempre naiintindihan ko naman na bata pa siya, na magbabago isip niya,” ani AiAi.
Inihayag din ng aktres na maayos naman ang pagsasama nila ni Gerald sa mga unang taon, hanggang sa nalaman niya ang pagtataksil umano ng dating mister.
"Pero kasi nag-cheat na rin siya ika-third year, so hindi na rin masaya," sabi pa AiA..
Nagpresyo si AiAi ng P350,000 para sa mga singsing, na tinawaran naman ni Boss Toyo ng P250,000, na siya na ring naging final deal.
Sa isang panayam sa “Fast Talk with Boy Abunda” noong October 2024 inihayag ni AiAi na hiwalay na sila ni Gerald matapos ang 10 taong pagsasama.
Ang hindi nila umano pagkakaroon ng anak ang isa sa mga dahilan ng pagkasira ng kanilang pagsasama dahil na rin sa edad ni AiAi.
Sinubukan daw nilang magkaroon ng anak sa pamamagitan ng vitro fertilization (IVF) pero hindi rin nagtagumpay.—Nika Roque/FRJ GMA Integrated News
