Hindi binigo ni Miguel Tanfelix ang plano ni “Kuya” na sopresahin niya si Sofia Pablo na may crush sa kaniya. Si Miguel ang bagong houseguest sa “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0.”
Sa episode ng reality show nitong Miyerkoles ng gabi, nakipagsabwatan ang Kapuso actor sa ibang housemates para sorpresahin si Sofia na aligaga na nang magkaroon siya ng hinala na ang matagal na niyang celebrity crush ang sunod na bibisita sa Bahay ni Kuya.
Kinailangan ng housemate na si Miguel Vergara na itago niya sa Tanfelix sa kuwarto ng mga lalaki. Kasunod nito, si Carmelle Collado naman ang kinasabwat para i-distract si Sofia sa girls’ room habang nagtatago na si Tanfelix sa likod ng kurtina sa pool side.
Kaya nang lumabas na si Sofia, nagulat siya nang makita niya si Tanfelix. Napatakbo palayo ang kinikilig na young actress.
“Sakto po Kuya, nag-retouch ako ng hair,” kuwento ni Sofia sa Confession Room nang makita niya ang kaniyang crush.
“Nahiya po ‘ko agad Kuya kasi nakita niya reaksyon ko,” dagdag ni Sofia.
Nagtilian naman ang iba pang housemates nang iabot ni Tanfelix ang kaniyang kamay kay Sofia para kunwaring magpakilala.
“Sobra po talaga ‘yung pagka-crush ko. Uncontrollable po talaga ‘yung kilig ko Kuya, kaya nag-crash po talaga ‘ko sa beanbag,” ayon sa dalaga.
Nitong nakaraang linggo, todo na ang kilig ni Sofia nang magpadala ng video greeting sa kaniya si Tanfelix.
Mapapanood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0" sa weeknights sa ganap na 9:40 PM, at sa Sabado sa ganap na 6:15 PM, habang 10:05 PM naman sa Linggo sa GMA Network. —Nika Roque/FRJ GMA Integrated News

